ITATAAS na ang buwanang minimum wage ng mga kasambahay sa Central Luzon ng P1,000 sa Chartered Cities at First Class Municipalities habang P1,500 naman sa other municipalities.
Sa kabuuan magiging P6,000 ang buwanang minimum na sahod sa rehiyon ayon sa Department of Labor and Employment.
Ito ay matapos ilabas ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board ang Motu Propio Wage Order noong Marso 4, 2024.
Dahil dito ayon sa kagawaran, inaasahang makikinabang ang kabuuang 126,762 na mga kasambahay sa pagtaas ng sahod kung saan ang humigit-kumulang na 9% (11,595) sa kanila ay nasa live-in arrangement.
Bilang pagsunod sa mga umiiral na batas at patakaran, isinumite ang wage order sa National Wages and Productivity Commission (NWPC) para sa pagsusuri at pinagtibay ito noong Marso 12, 2024.
Ipapalathala ang wage order sa Marso 16, 2024 at magkakabisa 15 araw matapos ang publikasyon o sa Abril 1, 2024.