TINIYAK ng CAAP na agad silang maglalabas ng resulta ng kanilang imbestigasyon sa aberya noong Bagong Taon sa Uninterruptible Power Supply (UPS) equipment ng CAAP.
Pangunahing isyu sa imbestigasyon ang dahilan ng problema sa power supply ng equipment.
Nangunguna sa internal investigation ng CAAP ang Aerodrome and Air Navigation Safety Oversight Office.
Sa panayam ng SMNI News kay CAAP spokesperson Eric Apolonio sinabi nito na may 3rd party na mag va-validate sa resulta ng imbestigasyon upang tiyakin na ang isinagawang imbestigasyon ay magiging patas.
Tiniyak din ng CAAP na handa na silang humarap sa Senado at sa iba pang investigating body kaugnay sa gagawing imbestigasyon sa naganap na aberya sa NAIA at iba pang paliparan sa bansa noong Enero 1, 2023 na nakaapekto sa libu-libong mga pasahero.
Samantala pabor din ang CAAP sa isinusulong ni Northern Samar Rep. Paul Daza na kailangang paghiwalayin na ang “regulatory at commercial functions” ng CAAP matapos ang aberya ng ATMC.
Matatandaan una nang inihayag ni Daza na bagamat nakatitiyak ito na ang isang imbestigasyon ay patuloy na ginagawa pero sa sarili pa ring ahensya.
“We are assured that an investigation is already being done, however that is also problematic because it’s the same agency investigating its own,” ayon kay Northern Samar Rep. Paul Daza.
Dagdag pa ng kongresista, ang CAAP ay nilikha sa pamamagitan ng Act Creating the Civil Aviation Authority of the Philippines noong 2008 pero sabay na gagampanan nito ang commercial and regulatory functions na posibleng pagmulan ng conflict of interests.
Ayon naman kay Apolonio, pabor din naman sila sa rekomendasyon ni Daza.
Asahan na sa mga susunod na araw ay lalabas na ang resulta ng imbestigasyon kaya no comment pa rin sila hanggang ngayon kung sino ang dapat na managot sa isyu.