CAAP, tiniyak ang kaayusan sa mga paliparan at pagdagdag ng mga tauhan ngayong Semana Santa

CAAP, tiniyak ang kaayusan sa mga paliparan at pagdagdag ng mga tauhan ngayong Semana Santa

MAYROONG marching order sa Department of Transportation (DOTr) ngayong Semana Santa na isaayos ang lahat ng mga paliparan at dagdagan ng mga personnel.

Ito’y lalo na sa peak hours ng biyahe para hindi ma-perwisyo ang mga pasahero, ayon ito kay Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Spokesperson Eric Apolonio.

Dagdag pa ng opisyal, nakahanda na rin ang lahat ng apatnapu’t apat (44) na mga paliparan kung saan nagtayo sila ng Malasakit Help Desk.

‘’Iyong ating medical personnel at saka iyong ating mga security personnel, naka-ready po iyan at unang-una po, wala na hong leave, cancel muna ngayon para masilbihan lahat iyong pangangailangan ng ating mga pasahero,’’ ayon kay Eric Apolonio, Spokesperson, Civil Aviation Authority of the Philippines.

Ipinaalala naman ng CAAP ang tungkol sa mga bagay na ipinagbabawal o iligal sa airport at sa eroplano. Kabilang aniya sa mga ito ang mga bala, vape, at battery operated na gadgets.

‘’Iyan po iyong talagang ipinagbabawal at ina-advise natin iyong mga pasahero na sana huwag na nilang dalhin dahil nakikita rin naman sa final x-ray at nakukumpiska po iyan,’’ saad ni Apolonio.

Binanggit naman ni Apolonio na pagdating sa isyu ng “laglag-bala,” ito raw ay inaaksyunan na ng DOTr partikular ang may hawak nito, ang Office of Transportation Security.

Mababatid na ikinabahala ng nakararami ang tila muling pagbabalik ng “tanim-bala modus” sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Nakagagalit umano ang muling pagkakita ng ganitong insidente kung saan ang mga inosenteng biyahero ay dumaranas ng takot at perwisyo mula sa mga pasaway na opisyal na dapat sana’y nagbabantay sa seguridad ng mga ordinaryong mamamayan.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble