PORMAL ng binuksan ng Build Back Better (BBB) task force sa bayan ng Appari ang restoration project sa Cagayan River na isang malaking tulong sa nararanasang kalamidad tuwing panahon ng tag-ulan sa lalawigan.
Pinasimulan na ng BBB task force ang matagal ng pinapangarap ni Gov. Manuel Mamba na Cagayan River Restoration Project sa bayan ng Aparri simula ng ika-25 ng Hunyo.
Pahayag ni Gov. Mamba, ito ang sagot sa malaking problemang dulot ng pagbaha sa buong lalawigan sa tuwing panahon ng tag-ulan gaya na lamang ng nakaraang taon kung saan nagkaroon ng malawakang pagbaha sa probinsya dulot ng Bagyong Ulysses.
Bunsod nito sinimulan na ng national government ang pagbuo ng technical working group ng BBB task force na mangunguna sa restoration project sa mga lugar na apektado ng kalamidad.
Kaugnay nito ang muling pagbubukas ng port of Aparri na magdudugtong sa mga kalapit lalawigan ng Cagayan para sa mas malawak na kalakalan ay nakapasailaim din sa Cagayan River Restoration Program.
Tiniyak naman ni Mamba na walang mangyayaring black sand mining sa Cagayan River gaya ng sinasabi ng oposisyon.
Tanging hiling lamang ni Mamba ang pagtitiwala ng taong bayan at mga pinuno ng munisipalidad ng Aparri sa ikatatagumpay ng nasabing proyekto.