Cayetano, DSWD naghatid ng livelihood, medical assistance sa Gawad Kalinga communities sa Nueva Ecija

Cayetano, DSWD naghatid ng livelihood, medical assistance sa Gawad Kalinga communities sa Nueva Ecija

NANGUNA ang opisina ni Senator Alan Peter Cayetano sa pamamahagi noong Lunes ng livelihood assistance sa daan-daang benepisyaryo sa Nueva Ecija upang tulungan silang maghanda sa pagtama ng bagyo at pagbaha sa naturang lalawigan.

Sa pakikipagtulungan ng Nueva Ecija Chapter ng Gawad Kalinga (GK) at ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development, namigay ang Emergency Response Department (ERD) team ni Sen. Cayetano ng livelihood assistance sa 266 beneficiaries mula sa mga GK communities sa 2 lungsod at 4 na bayan sa Nueva Ecija.

May 310 iba pang benepisyaryo mula sa mga komunidad na ito na nakalinya na para makakuha ng tulong sa susunod na mga linggo.

Sa naganap na payout activity noong March 27, 2023 sa bayan ng Cabiao, nabigyan ang bawat beneficiary ng P4,500 na maaari nilang gamitin upang mamuhunan sa kanilang mga negosyo bago pa man magsimula ang typhoon season ngayong taon.

Ang lalawigan ng Nueva Ecija ay ang pinakamalaking producer ng palay sa buong bansa, ngunit sa kasamaang palad ay laging tinatamaan ng malalakas na bagyo at matinding pagbaha kada taon.

Ginawa ng ERD Team ni Cayetano ang DSWD AICS payout activity bilang bahagi ng adbokasiya ng senador na lumikha ng mga disaster-resilient na komunidad sa pamamagitan ng pagtugon sa mga pangangailangan nila bago pa man tumama ang anumang sakuna.

Maliban sa AICS payout activity, tinulungan ng Medical Team ni Cayetano na makakuha ang nasa 30 benepisyaryo ng medical assistance sa ilalim ng Medical Assistance for Indigent Patients (MAIP) program ng Department of Health.

Naroon din sa Cabiao sina Bishop Roger Noe, GK Provincial Head for Nueva Ecija Bebot Bolisay, at dating GK operations head Jose Mari Oquiñena.

Karamihan sa mga benepisyaryo ay nagpaplanong gamitin ang assistance na kanilang nakuha bilang puhunan para sa mga negosyo nila o upang asikasuhin ang matagal nang nakabinbing mga gastusin.

Gagamitin ni Emily Medina ang tulong na kaniyang nakuha upang ipaayos ang motorsiklo ng namayapang niyang asawa para magamit niya at ng kanyang mga anak sa kanilang paghahanapbuhay.

“Nagpapasalamat po ako ng maraming marami sa kanila Senator Alan Peter at Senator Pia, napakalaking tulong po talaga nitong natanggap namin,” wika ni Medina.

Para naman kay Candida Soriano ng San Jose City, plano niyang gamitin ang halaga na kanyang nakuha bilang puhunan sa kaniyang hanapbuhay na paglalako ng meryenda, lalo’t malapit na ang mga kapistahan sa buwan ng Abril.

“Ipangdadagdag ko po ito sa puhunan ko, kasi may pagpipyesta ngayong Abril, pwede po akong dumayo-dayo sa piyesta, para kumita kahit papaano,” ani Soriano.

Balak ni Emma dela Cruz, residente ng GK community sa bayan ng General Tinio at isang AICS beneficiary, na gamitin ang kaniyang nakuha bilang puhunan sa negosyo at pambili ng mga kailangan niyang gamot.

“Hindi po namin expected na mangyayari po sa ‘min yung ganito. Ipapasok ko po ito bilang puhunan sa negosyo ko, tapos yung iba po ay panggastos ko sa sarili ko kasi may maintenance na po ako,” ani dela Cruz.

Pagpapaayos naman ng kanal sa tapat ng kanilang bahay ang planong paggastusan ni Mariah Simbulan para aniya makaiwas sa aksidente ang mga bata sa kanilang lugar, bukod sa pagbili ng mga pangangailangan ng kaniyang pamilya.

“Gagamitin din po namin ito pang-grocery po, pang-stock po ng mga kailangan namin,” wika ni Simbulan.

Follow SMNI NEWS in Twitter