PINUNA ni Sen. Alan Peter Cayetano ang malaking pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nakalaan sa maintenance at rehabilitasyon ng mga imprastrakturang nagawa na.
“You’ll have to inform the President, because umaasa siya na ‘build better more’ ito, hindi ‘better better maintenance’ ‘di ba,” saad ni Sen. Alan Peter Cayetano.
Umalma si Sen. Cayetano sa aniya’y ‘maintenance pa more’ budget ng DPWH, dahil nagmumukha raw na mas importante pa sa ahensya ang pagsasaayos ng imprastrakturang nagawa na kaysa magtayo ng bagong mga tulay at kalsada.
Sa Senate plenary debate, gabi ng Martes, November 15, 2022, tungkol sa budget ng DPWH para sa taong 2023, pinunto ni Cayetano na aabot sa one-third ng kabuuang P737.36-B na budget ng ahensya ang plano nitong gastusin sa maintenance and repair works.
Dagdag pa niya, hindi ito tugma sa infrastructure plan ng administrasyon na ‘build better more’ kung saan nais nitong ipagpatuloy ang malawakang konstruksyon ng bago at kinakailangang imprastraktura sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Kung ia-add ko lahat ng individual items para sa maintenance at rehabilitation, mahigit P200 billion na. So it’s like almost a third of the budget. This is not a ‘build better more’ budget, this is a ‘maintenance budget,” dagdag pa ni Cayetano.
Ayon kay Cayetano, ang P90.48-B na nakalaan sa asset preservation program ng DPWH at ang P166.22-B na gagastusin sa flood management program nito ay lubhang mas malaki kaysa sa pondong nakalaan para sa network development at bridge building program na nasa P140-B lang.
“Parang sa maintenance napupunta y’ung 2023 budget. At saka y’ung trend, imbes na to build new networks and to have a program to expand infrastructure, parang sa flood control ‘tsaka sa maintenance,” aniya pa.
Kapansin-pansin din aniya na 2 taon nang ganito ang pagkakaareglo ng budget ng DPWH.
Dagdag ni Cayetano, kung bubusisiin ang panukalang 2023 budget ng DPWH, makikita na napakaraming maliliit na item na nakapaloob sa malaking budget categories ng ahensya na nakatuon sa maintenance, repair, at retrofitting works.
“Is there something wrong with the kind of public works we do? Kasi kung parang one is to one na y’ung bago sa pine-preserve mo, ibig sabihin, either hindi maganda y’ung pagkagawa or napakaluma na,” ani pa Cayetano.
Pinaalalahanan ng senador ang mga opisyal ng DPWH na huwag lumayo sa nais mangyari ng kasalukuyang administrasyon na magtayo ng marami at mas magandang imprastraktura, o kung hindi man, sabihin na lang nila sa Pangulo na mas bibigyang pansin ng ahensya ang repair at maintenance.
Nanawagan siya sa DPWH na unahin ang paggawa ng bagong imprastraktura, lalo na sa mga rehiyon ng bansa na lubhang nangangailangan ng mas maayos na mga kalsada at tulay.