Ceres Bus Liner, pinatawan ng LTFRB ng 90-araw matapos ang aksidente sa Antique

Ceres Bus Liner, pinatawan ng LTFRB ng 90-araw matapos ang aksidente sa Antique

IPINAG-utos na ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairperson Teofilo Guadiz, III ang pagsuspinde sa operasyon ng 15 units ng Ceres Bus ng Vallacar Transit Incorporated.

“We already issued a 90-day preventive suspension to the entire fleet, meaning to say ‘yung mga bus na nagbabyahe ng rutang ‘yon, there are 15 of them, have already issued a preventive suspension right away,” ayon kay Asec. Teofilo Guadiz, III Chairperson, LTFRB.

Ito ang mga bus unit na may rutang Iloilo City (Molo Terminal)-Caticlan via San Jose, Pandan vice versa.

Kasunod kasi ito ng pagkahulog sa bangin ng isa sa kanilang bus sa bayan ng Hamtic, Antique, hapon ng Martes, Disyembre 5.

Aabot sa higit 15 pasahero ang namatay at higit 10 naman ang nasa ospital na nagtamo ng sugat.

Pinaiimbestigahan na rin ng LTFRB chief ang naturang insidente upang matukoy ang dahilan nito.

Punto ni Guadiz, napakahalaga na matiyak ng bawat kompanya ang roadworthiness ng pampasaherong sasakyan upang matiyak ang kaligtasan ng drayber at pasahero.

“So that’s what I will be looking into, titingnan namin ‘yung ledgers sa terminal kung ano ‘yung condition bago ito umalis, and of course, we will look also into the condition of the driver,” dagdag ni Asec. Guadiz.

Bukod dito, nagsimula na ang LTFRB ng pagsasagawa ng inspeksiyon sa lugar at nakikipag-ugnayan na sa kompanya nang masiguro na mabibigyan ng kompensasyon ang mga biktima.

Sinabi rin ni Guadiz na mayroon nang isang inter-agency team na kinabibilangan ng LTFRB, Land Transportation Office (LTO), at Department of Transportation (DOTr) na namamahala sa imbestigasyon.

Samantala, nangako naman ang kompanya na makikipagtulungan sa LTFRB para sa imbestigasyon.

Nangako rin ito ng tulong-pinansiyal sa mga naiwang pamilya ng mga nasawi.

Gayundin ang mga pasaherong nagpapagaling sa ospital.

“Rest assured that we are doing everything that we can to make sure that this is being handled properly and carefully. The management guarantees the riding public that we are taking all the appropriate steps to ensure that our buses are road-worthy and well-maintained,” ayon sa Vallacar Transit Inc.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble