MULING binigyang diin ng China ang kinatatayuan nito hinggil sa nangyayaring bakbakan sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Nananatiling solido ang pagkakaibigan ng nasabing bansa sa Russia sa kabila ng pagkondena ng ibang bansa sa desisyon ng presidente ng Russia na si Vladimir Putin.
“The friendship between the two peoples is rock-solid, and both sides’ future cooperation prospects are very vast,” pahayag ni Wang Yi, Foreign Minister ng People’s Republic of China.
Dagdag ni Wang, bukas ang China na tumulong sa international community na mamamagitan para sa kapayapaan kung kinakailangan.
Nanawagan din itong mag-usap muli ang dalawang bansa at ayusin ang alitan sa mapayapang pamamaraan ng diyalogo at negosasyon.
Aniya, ang alitan sa pagitan ng Russia at Ukraine ay dulot ng maraming kadahilanan at ito’y nangangailangan ng kalmado at resonableng pananaw upang masolusyonan.
“Solving complex problems requires calmness and rationality, rather than adding fuel to the fire and intensifying contradictions,” saad ni Wang.
Banggit din ng foreign minister ng China na dapat isaalang-alang ang pangmatagalang kapayapaan, seguridad, arkitektura at estabilidad sa mga nasasakupang rehiyon ng Europa.