SINABI ng awtoridad ng China na imposible nang masubaybayan ang bilang ng mga impeksyon ng COVID-19 sa bansa sa kalagitnaan ng biglaang pagtaas ng kaso nito matapos na tanggalin ang Zero-Covid Policy nito.
Matatandaan na noong nakaraang linggo lamang nang luwagan ng China ang mga restriksyon nito para sa mass testing at quarantine matapos ang halos 3 linggo nitong pagtatangkang pigilan ang pagkalat ng virus.
At dahil sa hindi na required ang testing sa karamihan ng parte ng bansa, inamin ng National Health Commission (NHC) ng China na hindi na nila malaman ang totoong bilang ng impeksyon.
Ayon sa NHC, marami na sa mga asymptomatic na indibidwal ang hindi nakikiisa sa nucleic acid testing kung kaya’t imposible nang malaman ang totoong bilang ng asymptomatic infected people.
Samantala, determinado naman ang mga lider ng China na ipagpatuloy ang pagbubukas ng bansa at sinabi ng Tourism authority ng Beijing na ibabalik nito ang tour groups papasok at palabas ng kabisera.