NANINIWALA at kumbinsido ang Department of Justice (DOJ) na buhay pa at narito lang sa Pilipinas si suspended Bureau of Corrections (BuCor) Deputy Director, Superintendent Ricardo Zulueta.
Magugunitang si Zulueta pati si suspended BuCor Director General, Gerald Bantag ay sinampahan ng reklamong double murder complaint sa DOJ dahil sa umano’y pagpatay sa radio broadcaster na si Percy Lapid at sa inmate na si Jun Villamor.
Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na kung sakaling magdesisyon si Zulueta na umalis ng bansa ay magdudulot lang ito ng problema kaya mainam na lumantad na lang at harapin ang reklamo.
Iginiit ni Remulla na ang pagtakas ay indikasyon ng pagkakasala at ito aniya ay hindi makakatulong sa sitwasyon ng nagtatagong opisyal.
Panawagan ni Remulla kay Zulueta na lumantad na at harapin o makipagtulungan sa DOJ para maidepensa ang kanyang sarili.