INAKUSAHAN ng Chinese Embassy sa Pilipinas si United States Secretary of State Antony Blinken na gumagawa ng mga walang batayan na mga akusasyon hinggil sa mga aksiyon ng China sa pinagtatalunang South China Sea (SCS).
Ito ang naging pahayag ng tagapagsalita ng Chinese Embassy sa Maynila sabay iginiit na hindi ang China ang nag-udyok sa kamakailang tensiyon sa rehiyon.
“China is not the one that provoked the recent tense situation in the South China Sea, and thus the responsibility for the recent situation at sea does not lie with China,” pahayag ng Spokesperson of the Chinese Embassy in the Philippines.
Mariing tinutulan ng Chinese Embassy ang mga akusasyong ito ng US official.
“We firmly oppose the groundless accusations made by Secretary Blinken about China’s legitimate and lawful actions in the South China Sea and his thinly veiled threat to invoke the so-called MDT obligations,” dagdag ng Spokesperson of the Chinese Embassy in the Philippines.
Inalmahan ng tagapagsalita ng embahada ang banta o anito’y “thinly veiled threat” ng US Secretary of State na gamitin ang Mutual Defense Treaty (MDT) ng US sa Pilipinas sa gitna ng tensiyon sa South China Sea.
Ang MDT ay isang defense agreement sa pagitan ng Amerika at Pilipinas para depensahan ang isa’t isa sakaling magkaroon ng armadong pag-atake.
Inilarawan naman ng embahada bilang tanda ng “Cold War” ang MDT, at hindi umano dapat balewalain ang karapatan ng Beijing sa South China Sea.
Sa kaniyang dalawang araw na opisyal na pagbisita sa Maynila, binigyang-diin ni Blinken ang kahalagahan ng pagpapaigting ng alyansa ng US sa Pilipinas.
Sa isang joint press conference kasama si Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Enrique Manalo, nagpahayag si Blinken ng pagkabahala sa mga kamakailang insidente sa South China Sea, aniya, ito ay banta sa Indo-Pacific.
Binigyang-diin ng secretary of state ang aniya’y “ironclad commitment” ng Washington na tumulong sa pagtatanggol sa Pilipinas sa ilalim ng Mutual Defense Treaty.
Bilang tugon, hinimok ng Chinese Embassy ang Estados Unidos na huwag mag-udyok ng gulo o pumanig man dahil wala itong karapatang makialam sa mga isyu sa pagitan ng China at Pilipinas.
Inihayag pa ng tagapagsalita ng embahada na ang kalayaan sa paglalayag sa South China Sea ay hindi kailanman naging isyu.
Anito, ang US at hindi sinuman ang nagbabanta sa kapayapaan at katatagan sa South China Sea.
Kasabay rito ang tahasang pahayag na ang kamakailang tensiyon sa South China Sea ay hindi mangyayari kung wala ang US sa Pilipinas.
“The recent tension in the South China Sea would not have occurred without the US egging on the Philippines. Indeed, the US admits to banding together a small number of countries to offer verbal support to the Philippines,” saad ng Spokesperson of the Chinese Embassy in the Philippines
Sa isang interview naman, sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gagamitin na ng Pilipinas ang Mutual Defense Treaty (MDT) sa US sakaling maharap ang bansa sa existential threat.
“We can say that the United States has been very, certainly very supportive in every in every way. And it has, the United States has really shown that it takes very seriously these agreements that we have,” ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Gayunpaman, nilinaw ni Marcos na hangga’t maaari ay iniiwasan pa rin nito ang giyera at ang paggamit ng MDT sa ngalan ng kapayapaan.
“We are trying to keep things at a manageable level, to continue the dialogues, whatever they are, at every level,” dagdag ni PBBM.