Chinese national na sinasangkot sa kidnap for ransom sa POGO workers, isinalang sa inquest

Chinese national na sinasangkot sa kidnap for ransom sa POGO workers, isinalang sa inquest

NAKAPOSAS ang Chinese national na kinilala bilang si Yu Yang nang dalhin ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) para sa inquest proceedings.

Sinasangkot ito sa kidnapping for ransom kung saan ang modus umano nito ay mandukot ng empleyado ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at saka hihingi ng ransom.

Pero kahit nakapagbigay na ng ransom ay pinapatay pa rin ang biktima.

Sa ginawang operasyon ng NBI NCR laban sa Chinese national, nakitaan ito ng illegal na droga at ang kaniyang sasakyan ay ginagamit umano sa ilegal na operasyon.

Sa ngayon ang inihaing reklamo ng NBI laban kay Yang ay paglabag sa Section 16 ng RA 10883 o ang New Anti Carnapping Law, Paglabag sa section 11, 12 at 15 ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Law at ang paglabag sa Comprehensive Firearms Law.

Wala pa namang isinasampang reklamo ang NBI na may kaugnayan sa kidnapping.

Una nang itinanggi ng respondent ang akusasyon na may kaugnayan sa pandurukot.

Mga suspek sa pagdukot sa 6 Chinese National, 3 Pinoy sa Alabang, sumalang na sa pagdinig ng DOJ

Samantala, humarap naman sa preliminary investigation ng DOJ ang mga suspek sa pandurukot sa anim na Chinese nationals at tatlong Pilipino sa Ayala Alabang noong madaling araw ng Oktubre 30, 2023.

Isa sa mga suspek nakatabon ang mukha nang pumasok sa DOJ.

Ang mga suspek kinilala na sila Edgar Abarca, at German Torrefiel na sinampahan ng PNP-Anti Kidnaping Group ng mga kasong kidnapping/serious illegal detention/murder, robbery, at carnapping.

Ang reklamong kidnapping at serious illegal detention na isinampa kay Abarca ay submitted na for resolution.

Ang reklamo laban kay Torrefiel naman umano ay set for submission of counter-affidavit sa January 19, 2024.

At large pa ang mga suspek na sina Carlo Villanueva at dalawang Chinese looking male individuals na hindi pa umano tukoy ang pangalan.

Kasama rin sila sa sinampahan ng kaparehong kaso.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble