PAIIGTINGIN pa ang seguridad sa mga terminal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA), matapos madiskubre ang P11.4-M halaga ng ilegal na droga sa paliparan ayon sa Manila International Airport Authority (MIAA).
Ipinag-utos ni MIAA General Manager Jose Eric Ines ang buong pagsisiyasat ng K9 at pagkokordon sa lugar kung saan nangyari ang insidente.
Aniya, nanatiling full alert ang MIAA na may sukdulang layunin na tiyaking drug-free ang mga paliparan.
“We remain on full alert, with the ultimate goal of ensuring a drug-free workplace. These discoveries, although significant, are part of an ongoing investigation that reflects our unwavering dedication to the safety and security of all individuals within the airport premises,” saad ni Jose Eric Ines, General Manager, MIAA.
Matatandaang Linggo ng umaga nang matagpuan ng mga construction worker ang tatlong malalaking pakete na hinihinalaang shabu sa grease trap habang inaalis ito sa isang kusina ng dating kainan sa NAIA Terminal-1.
Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), nasa mahigit 1,685 grams ang nadiskubreng droga na nagkakahalaga ng mahigit P11.4-M.
Pinaniniwalaan ng mga awtoridad na matagal nang nakababad sa tubig kung saan nakalagay sa grease trap ang mga pakete ng shabu.
Ngunit bago pa man ito, nauna nang naiulat na noong Disyembre 15, 2023 ay mahigit P21.6-M halaga ng hinihinalang shabu ang natagpuan sa dating Club Manila Massage Center sa NAIA Terminal 1.
Sinabi ni Ines na nakipagkita na siya sa MIAA Security Block at makikipagpulong din siya sa law enforcement agencies sa NAIA, kabilang na dito ang PDEA at National Bureau of Investigation (NBI).