NASITA ni Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile ang Commission on Human Rights (CHR).
Ito’y kasunod ng pahayag ng pagkondena ng CHR kaugnay sa umano’y paulit-ulit na red-tagging sa mga estudyante, guro, at iba pang civil organization, dahil ito umano ay seryosong paglabag sa karapatang pantao at maaaring mauwi sa karahasaan tulad ng ‘enforced disappearances at extrajudicial killings.
Sa kaniyang programa sa SMNI News, ikinuwestiyon ni Enrile ang CHR kung bakit hindi nito ikondena ang Communist Party of the Philippines–New People’s Army-National Democratic-Front (CPP-NPA-NDF).
Ang naturang pahayag ng CHR ay kasunod ng reklamong inihain ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa CHR matapos subukan ng Philippine National Police (PNP) at National Intelligence Coordinating Agency (NICA) na magsagawa ng orientation sa isang paaralan patungkol sa pagsisiwalat ng recruitment ng mga NPA sa mga kabataan.
Ang grupong ACT ay kinilala ng Anti-Insurgency Task Force ng pamahalaan bilang legal front ng teroristang grupong CPP-NPA-NDF.
Giit naman ni Enrile, kahit kailan ay hindi naman inaamin ng naturang mga grupo na komunista ang mga ito.