Christmas bonus ng gov’t employees ng Dagupan City, hindi pa rin natatanggap 

Christmas bonus ng gov’t employees ng Dagupan City, hindi pa rin natatanggap 

TILA ang mga empleyado ng lokal na pamahalaan ng Dagupan City na lamang sa buong bansa ang hindi pa nakatanggap ng kanilang Christmas bonus para sa mga regular employees at gratuity pay para sa emergency workers.

Ito ang inihayag ni City Mayor Belen T. Fernandez sa isang eksklusibong panayam ng SMNI North Luzon matapos ang isinagawang special session kaninang umaga para aprubahan ang supplemental budget ng lungsod.

Ipinagtataka ni Mayor Fernandez kung bakit inaantala ng seven majority ang pag-apruba ng supplemental budget para sa Christmas bunos ng mga manggagawa sa pamahalaan.

Huwag naman ganun kasi hirap na hirap na ‘yung mga empleyado natin and very deserving alam po natin na masisipag sila bakit kailangan, i-delay natin nang i-delay ‘yung Christmas nga lumampas na eh. Ano pa bang gusto nilang gawin, sobra nang paghihirap ang ginagawa nila sa ating mga empleyado,” wika ni Mayor Belen T. Fernandez, Dagupan City.

Ayon kay mayora, pang-apat na special session na ang ginawa ng Sangguniang Panlungsod para talakayin ang mga kinakailangang maaprubahan para sa kapakanan ng mga Dagupeño at empleyado sa gobyerno ngunit palaging absent ang lahat ng miyembro ng seven majority.

“Hindi natin alam siguro naman nagsesweldo ang mga ‘yan. Kaya nga ipapa-check ko ulit eh masyado silang maraming absent. Samantala ang mga empleyado natin pinipilit nilang pumasok para matulungan maglinis ng ating siyudad, maglinis ng palengke, lahat po at binibigay ang serbisyo sa health at lahat pero kung sino pang opisyal, siya pa ‘yung hindi pumapasok,” dagdag ni Mayor Fernandez.

Kapag bigo aniyang maipasa ang Christmas bunos para sa empleyado hanggang Disyembre 29 ay tuluyan na ngang hindi matatanggap ng mga manggagawa ang kanilang bonus.

Napakahirap namang tanggapin para kay Vice Mayor BK Kua ang aniya ay panggigipit na ginagawa ng pitong miyembro ng Sanggunian na sana ay maiparamdam sa mga kasamahan sa gobyerno ang diwa ng Pasko sa pagpasa ng Christmas bunos.

“Sila po ay gumagawa ng leave, sick leave kaya ako nagtataka na din ako eh. Magtataka din po kayo bakit ‘yung leave nila on the session day lang bakit before the session day wala naman silang pina-file na leave kaya kung ako personally, nagdududa na po ako,” ayon kay Vice Mayor BK Kua, Dagupan City.

Ngunit positibo pa rin si Kua sa dalawang araw na natitira na maipasa pa rin ang Christmas bonus ng mga empleyado ng pamahalaan dahil may Panginoon na nakikinig at magbibigay ng paraan gaya ng nangyaring hindi inaasahang pagpasa ng annual budget ng lungsod nakaraang buwan.

Ikinalungkot naman ni Councilor Jigs Seen ang hindi pagsipot ng seven majority para aprubahan ang pagbibigay ng bonus at gratuity pay sa isinagawang special session nitong umaga ng Disyembre 27.

Aniya, dapat alisin ang pulitikahan at personalan at ipasa na ang kinakailangan ng mga empleyado ng pamahalaan na nagpapakahirap sa kanilang trabaho.

“Wala akong alam na kadahilanan kung bakit ayaw nilang ibigay sa mga empleyado ng siyudad ng Dagupan dahil ang makikinabang d’yan ang kanilang mga anak, kanilang mga pamilya,” ayon kay Councilor Jigs Seen, Dagupan City.

Aniya, may panahon pa para sa kanilang mga kasamahan sa Sanggunian na maibigay ang nararapat para sa mga empleyado katulad ng bunos at gratuity pay.

Bukas, Disyembre 28 ay muling magsasagawa ng ikalimang special session ang Sangguniang Panlungsod ng Dagupan na personal na dadaluhan ni Mayor Fernandez para muling idulog ang dalawang supplemental budget kabilang na ang Christmas bonus pati na rin ang pagpasa ng annual budget para sa taong 2024.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble