NAGKA-tensiyon sa clearing operations ng MMDA strike force sa Maynila matapos tumangkang tumakas ang isang habal-habal driver. Bukod sa nakatsinelas lang ito ay may iba pa itong traffic violations.
“Kasalanan bang maghanapbuhay? Kasalanan pala maghanapbuhay? Mali ang paniniwala mo na ang kasalanan ang paghahanapbuhay naming mahihirap. Kapiraso nga lang itong pinaghahanapbuhayan namin, ninakaw niyo pa,” ayon kay Botchok, habal-habal driver.
Ito ang eksena sa isinagawang clearing operations ng Special Operations Group- Strike Force ng MMDA sa Maynila nitong Miyerkules ng umaga.
Nagka-tensiyon matapos tumangkang tumakas ang habal-habal driver na ito.
Pinara kasi siya ng mga enforcer dahil nakasuot lang ito ng tsinelas habang nagmomotorsiklo.
“Hindi naman sinabing bawal magtsinelas sir. Bawal ba talaga ito? Patakaran lang iyan ng tao sir eh. Naghahanapbuhay ako sir,” ayon pa kay Botchok.
Pero bukod sa improper dress code ay marami pa siyang violations.
Tulad ng pagmamaneho na walang driver’s license, motorsiklong walang papeles, at paggamit ng improvised license plate.
“Walang masamang maghanapbuhay basta nasa tama ka,” ayon sa MMDA enforcer.
“Nasa tama naman to sir ah. Marangal ito,” ani Botchok.
“Boss wala kang lisensiya. Walang mali sa pagiging marangal. Marangal iyan pero wala kang lisensiya,” ayon sa MMDA enforcer.
“Walang masamang maghanapbuhay pero ilagay natin sa tamang paraan at legal na paraan. Unang-una magmamaneho ka ng motor wala kang lisensiya. That’s why I’m telling him ilalagay mo sa alanganin ang buhay ng inaangkas mo. Dahil ang hanapbuhay niya habal-habal which is bawal din po,” pahayag ni Gabriel Go, Officer in Charge, MMDA Strike Force.
Dahil sa pagmamatigas, nagpasaklolo na ang MMDA sa kapulisan.
Pinangakuan na lamang ang rider na tutulungan siya ng MMDA na magparehistro ng kaniyang motor at makakuha ng driver’s license.
Hanggang kalaunan ay nakumbinsi na rin ang rider.
Clearing ops sa mga kalsada sa CAMANAVA, puspusan bilang paghahanda sa MMFF Parade of Stars
Ikinasa ang nasabing operasyon bilang paghahanda sa Metro Manila Film Festival (MMFF) Parade of Stars na isasagawa sa CAMANAVA ngayong Sabado, Disyembre 16.
“Kailangan nating i-clear ang mga kalsadang ito dahil unang-una marami tayong road closures this coming weekend and mayroon din tayong alternatibong kalsada para sa ating mga motorista,” dagdag ni Go.
Inalis ang mga sasakyan na ilegal na nakaparada at iba pang uri ng obstruksiyon sa mga lansangan ng Caloocan, Navotas, at Malabon para maayos at ligtas na madaanan ng publiko.
Ang parada ng mga floats ay magsisimula sa Navotas Centennial Park, C-4 Road, Samson Road, at McArthur Highway hanggang makarating sa Valenzuela People’s Park kung saan gaganapin ang main event.