UMARANGKADA na nitong Huwebes ng gabi ang laban ng Gilas Pilipinas sa third and final window sa Group B ng FIBA Asia Cup 2025 Qualifiers.
Nakaharap ng Gilas ang Chinese Taipei sa homecourt ng koponan sa Taipei Heping Basketball Gymnasium sa Taipei City.
Sa first half, dikitan ang iskor ng dalawang koponan ngunit pagdating ng third quarter, na kontrol ito ng Taipei at ilayo ang kanilang lamang sa sampung puntos.
Pagdating ng huling sampung minuto ng kanilang laro, naghahabol ang Gilas at nagawang maibaba sa dalawang puntos ang lamang ng kalaban.
‘Yun nga lang, mas nanaig pa rin ang Chinese Taipei sa iskor na 91-84.
Susi sa panalo ng koponan sina Ting-Chien Lin, Mahammad Gadiaga, Chun Hsiang Lu at Chien-Hao ma na kapwa gumawa ng double-digit points.
At sa tagumpay na ito ng Chinese Taipei ay kanilang natuldukan ang pagiging winless laban sa Pilipinas mula noong 2013.
Nagbigay naman ng paghanga si Gilas Head Coach Tim Cone sa Chinese Taipei.
Aniya, sinubukan ng national team na umarangkada ng ilang beses at inaasahan niyang bibigay ang kalaban ngunit hindi ito nangyari.
“I thought the Chinese Taipei team was very impressive. We made a couple of runs at them and we were hoping they would crack, but they never did,” saad ni Tim Cone – Head Coach, Gilas Pilipinas.
Kaugnay nito, sinabi ni Cone na kanilang sunod na paghahandaan ang laban kontra New Zealand na gaganapin sa Auckland, sa Linggo, Feb. 23.
Sa ngayon, nananatiling nasa Top 1 ang Pilipinas sa standing ng Group B na may apat na panalo at isang talo.