College students, maaari nang kumita habang nagtuturo sa grade school students sa programa ng DSWD, DepEd

College students, maaari nang kumita habang nagtuturo sa grade school students sa programa ng DSWD, DepEd

ISANG modified na educational assistance ang inilunsad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) katuwang ang Department of Education (DepEd) para sa mga college student nitong Miyerkules ng umaga.

Tinawag ito na “Tara, Basa! Tutoring Program”.

Ayon kay DSWD Sec. Rex Gatchalian na nais ng ahensiya na targeted na ang Cash for Work Project at dapat makatulong ang mga benepisyaryo sa pagbibigay solusyon sa mga problema na kinakaharap ng lipunan.

Kaya sa ilalim ng “Tara, Basa! Tutoring Program” bukod sa tatanggap ng financial assistance ang mga college student, magtuturo din sila ng mga grade school student na hirap sa pagbasa.

“Isa ito sa improvement natin na ang ayuda dapat targeted. Klarong-klaro kung sino ‘yung magiging beneficiary. Pangalawa may kondisyon tulungan mo ang bansa sa dami ng problema ng bansa at pangatlo nga mayroon itong sukatan,” ayon kay Sec. Rex Gatchalian, Secretary DSWD.

Sa ilalim ng pilot testing ng Tara, Basa! Tutoring Program, kukuha ang DSWD ng humigit-kumulang na anim na libong 3rd year at 4th year college students mula sa mga mahihirap na pamilya.

Sila ay magiging tutor ng higit 63,000 na Grade 1 student na hirap sa pagbasa.

Babayaran ang mga college student beneficiary ng DSWD ng P570 kada araw para sa dalawang oras na tutoring session na tatagal sa loob ng 20 araw.

Agad namang magsasagawa ang DepEd ng post-test para matukoy kung natuto ba ang mga estudyante sa pagbasa.

Bukod sa mga college student, magiging benepisyaryo rin ang mga magulang ng mga estudyanteng sasailalim sa reading tutorial.

“Lalahok rin ‘yung mga magulang sa pamamagitan ng ng Nanay-Tatay Teacher Program. Tuturuan natin sila na maging unang guro sa kanilang mga tahanan. Ang kapalit ‘nun, mayroon rin silang makukuha na financial assistance para makatulong sa mga gastusin ng mga bata na lalahok sa tutoring program,” dagdag ni Sec. Rex Gatchalian.

Tatanggap ng cash assistance ang mga magulang na nagkakahalaga ng P235 kada araw na tatagal sa loob ng 20 araw.

Sa ngayon, ipatutupad muna ang Tara, Basa! Tutoring Program sa Metro Manila simula Agosto 15.

Pero kung maganda ani Gatchalian ang takbo ng programa, palalawakin pa nila ito sa iba pang mga lugar sa labas ng National Capital Region (NCR).

Nagpapasalamat naman si Vice President at Education Secretary Sara Duterte sa mga college student na nag-volunteer sa programa.

“The goodness of your hearts and willingness to share your time and knowledge with our young learners is a testament of your love for our motherland. It is comforting to know that the Philippines continues to be home to young Filipinos who are selfless, who love their fellow Filipinos and their country,” ayon kay Vice President Sara Duterte, Secretary DepEd.

Sa isang ambush interview, inilahad naman ni VP Sara na bukod sa pagtutok sa reading skills ng mga estudyante, tinututukan din nila ang kasanayan ng mga bata pagdating sa mga subject na Math at Science.

“Ongoing po ang learning camp natin sa Department of Education,” ani VP Sara.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble