COMELEC muling nilinaw na hindi maaaring maging poll watcher ang mga pinapasahuran ng gobyerno

COMELEC muling nilinaw na hindi maaaring maging poll watcher ang mga pinapasahuran ng gobyerno

NILINAW ng Commission on Elections (COMELEC) na ang mga indibidwal na tumatanggap ng sahod mula sa gobyerno ay mahigpit na ipinagbabawal na maging poll watcher sa panahon ng eleksiyon.

Sa eksklusibong panayam kay COMELEC Chairman Atty. George Garcia, iginiit nito na ang mga poll watcher ay dapat na mga pribadong mamamayan lamang at hindi konektado sa alinmang tanggapan o departamento ng pamahalaan.

“Dapat ang poll watchers lang, hindi puwede ang mga nasa pamahalaan. Hindi puwede ‘yong mga pinapasweldo ng gobyerno. Dapat ang mga poll watchers natin, mga pribadong citizen,” wika ni Atty. George Garcia, Chairman, COMELEC.

Traffic enforcer sa Tagbilaran City, Bohol, naging poll watcher sa eleksiyon

Nag-ugat ang naturang pahayag ni Garcia matapos matuklasan na isang traffic enforcer sa Tagbilaran City, Bohol, ang nagpo-poll watch kahit na siya ay pinapasahuran ng gobyerno.

Sa Tagbilaran City Central Elementary School natagpuan ng SMNI News team ang nasabing poll watcher. Nagkaroon kami ng pagkakataon na makapanayam ang traffic enforcer na si Joel Pugoy, at dito niya kinumpirma na hindi ito ang unang beses niyang naging poll watcher sa kabila ng pagiging traffic enforcer sa lungsod.

“Oo sir, sa administrasyon ni Mayor Jane Yap. (Pero traffic enforcer din kayo?) oo, job order ako sir sa city.”

“Kasi dati na akong watcher sir kay Baba Yap hanggang ngayon,” ani Joel Pugoy, Traffic Enforcer/Poll Watcher.

Samantala, nagbigay naman ng pahayag ang Bohol Police Provincial Office hinggil sa insidente.

“Pag caught in the act ng ating mga corresponding police officers based on the report of the witnesses ng ating citizens at naaktohan po nila, naalarma nila, puwedeng arestuhin natin ‘yan kahit walang warrant of arrest,” ayon kay PLtCol. Norman Nuez, Spokesperson, Bohol PPO.

Manatiling mapagmatyag at agad ipagbigay-alam sa mga otoridad ang kahalintulad na mga paglabag sa halalan.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble