COMELEC, pinasasapinal ang desisyon sa pagpapaliban ng BARMM Elections sa Disyembre

COMELEC, pinasasapinal ang desisyon sa pagpapaliban ng BARMM Elections sa Disyembre

UMARANGKADA na ngayon ang debate sa Senado kaugnay sa pagpapaliban ng halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Sa pagdinig, hati ang mga stakeholder kung dapat nga ba o hindi ito ipagpaliban hanggang sa 2026.

Sinabi naman ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Garcia, tuloy man o hindi ang kauna-unahang halalan ng BARMM ay kanila pa rin itong paghahandaan.

Pero pakiusap niya— sana ay maisapinal na ito dahil maghahabol sila ng oras para sa pag-imprinta ng mga balota simula sa huling linggo ng Disyembre.

“Isa lang po ang pakiusap ng COMELEC, hindi po ito pressure sa ating Kongreso, pero ang katotohanan lang po. Sana po kung may development kung matutuloy man o hindi ang ating halalan sapagkat mag-iimprinta ang COMELEC ng balota sa huling linggo ng Disyembre. Ibig sabihin po ay ifi-finalize namin ang list of candidates hopefully before December 13 of this year,” ayon kay Atty. George Garcia, Chairman, COMELEC.

Sinabi ni Chairman Garcia na magiging magastos ang pagpapaliban sa BARMM Elections at aabot ito sa P3B.

Ito aniya ang gagastusin para sa pagsasagawa ng automated elections sa BARMM habang P800M hanggang isang bilyung piso kung gagawin itong mano-mano.

“’Yan po ‘yung mga realidad. Ang COMELEC will just defer to the sound discretion and wisdom of Congress. Kami po kung ano ang inyong sasabihin sa amin kung tuloy o hindi tuloy basta ang COMELEC ay nagahahanda pa rin sa pagco-conduct ng halalan,” ani COMELEC.

Aabot sa 73 na puwesto sa BARMM parliament ang magiging bukas para sa halalan na gaganapin sa Mayo 12, 2025, kasabay ng midterm elections ng bansa.

Ayon sa Bangsamoro Electoral Code, mayroon sanang 80 seats ang Bangsamoro Parliament, ngunit dahil sa desisyon ng Korte Suprema na nagtanggal sa Sulu mula sa regional government, nabawasan ang bilang ng mga miyembro ng parliament sa 73, na hindi na kasama ang pitong upuan para sa Sulu.

Sa ngayon, ang BARMM ay binubuo na lamang ng mga lalawigan ng Lanao del Sur, Maguindanao del Sur, Maguindanao del Norte, Basilan, at Tawi-Tawi, pati na rin ang walong bagong bayan sa Cotabato na bumuo ng Bangsamoro Special Geographic Area.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble