COMELEC susunod sakaling ipag-utos ang pagpapaliban sa BARMM 2025 elections

COMELEC susunod sakaling ipag-utos ang pagpapaliban sa BARMM 2025 elections

INAPRUBAHAN na sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 11144 o ang panukalang ipagpaliban ang kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Nakatakda sanang isagawa ang unang regular election ng BARMM kasabay ng 2025 national elections. Subalit sa ilalim ng nasabing panukalang batas, ililipat ito sa Mayo 2026.

Tugon naman dito ng Commission on Elections (COMELEC), bilang tagapagpatupad ay hinihintay lamang nila kung ano ang magiging ganap na batas tungkol dito.

Sinabi ni COMELEC Spokesperson John Rex Laudiangco na kapag tuluyan na itong ipagpaliban, nakahanda naman ang komisyon na ipatigil ang preparasyon sa halalang ito at tatalima sa naturang kautusan.

Sakali namang hindi ito maging batas, magpapatuloy aniya ang preparasyon ng COMELEC maging ang mga isinasagawang proseso para dito.

Sa Disyembre 23, sisimulan na ng COMELEC na subukin ang tinatawag na final configuration ng automated election system.

Ito’y upang mapatunayan at maipakita sa taumbayan na maayos ang gagamiting sistema para sa halalan sa susunod na taon.

Nabatid na kabilang sa kadahilanan na ipinanukala ang pagpaliban ng eleksiyon sa BARMM ang isyu ng pagkakatanggal ng lalawigan ng Sulu bilang bahagi ng BARMM.

Dahil sa pagkakatanggal ng Sulu na batay sa kautusan ng Korte Suprema, ang dapat sanang 80 miyembro ng parliamento na ihahalal sa 2025, ay nabawasan ng pito.

Dahil dito, isa sa naging isyu kung tumutupad pa ba ang gagawing halalan doon sa orihinal na 80 na mga miyembro ng parliament.

Bukod dito, naging kuwestyon din papaano ang proseso kung sakaling kulang na at hindi sapat ang bilang.

COMELEC, mahigpit na ipinaalala ang limitasyon sa gastos sa kampanya para sa 2025 elections

Samantala, ibinahagi naman ng COMELEC ang pagpapahintulot ng panibagong paraan sa pangangampanya ng mga kandidato sa 2025 elections.

Ito ay ang paggamit ng LED o electronic billboards o electronic posters.

Kasama rin ang paggamit ng internet o social media kung saan nagtapos na noong Disyembre 13 ang pagpaparehistro ng social media channel o websites at iba pang electronic at digital platforms na gagamitin sa pangangampanya.

Inilahad pa ni Laudiangco na patuloy pa ring pinapayagan ang tradisyunal na campaign materials gaya ng flyers, pamphlets, posters, banners, at steamers.

Kasabay nito’y mahigpit namang babantayan ng COMELEC ang gastos ng mga kandidato at ipinaalala ang limitasyon sa gastos sa pangangampanya.

Para sa kandidato na mayroong political parties, may cap sila na P3 kada botante.

Ang kampanya para sa national positions ay magsisimula sa Pebrero 11 sa susunod na taon habang sa local positions naman ay mag-uumpisa sa Marso 28.

Magtatapos naman ang pangangampanya sa Mayo 10, 2025.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter