Complainant na ayaw tumestigo sa POGO raid sa Las Piñas, gustong parusahan ng DOJ

Complainant na ayaw tumestigo sa POGO raid sa Las Piñas, gustong parusahan ng DOJ

GUSTONG maparusahan ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla ang mga complainant na umayaw nang tumestigo sa nangyaring raid sa isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) Hub sa Las Piñas City.

Nagkaroon na ng paunang pag-uusap ang DOJ at ang Philippine National Police-Anti Criminal Group (PNP-ACG) hinggil sa naging operasyon ng mga pulis sa isang POGO na XinChuang Network Technology Inc. sa Las Piñas City noong Hunyo.

Matatandaan na una nang pinuna ni Remulla ang naturang operasyon ng mga awtoridad dahil sa kawalan ng koordinasyon ng ACG sa mga piskal.

Sa raid ay inaresto ng mga pulis ang limang Chinese National pero ‘for release and further investigation’ ang naging kautusan dito ng DOJ dahil sa kawalan ng ebidensiya para sila ay makasuhan at patuloy na makulong.

Inihayag naman nito na ang progreso ng kaso laban sa mga Chinese nationals ay nahahadlangan ng mga complainant at witnesses na sa una ay gustong tumestigo pero kalaunan ay aatras.

Kaya hirit ng kalihim, maparusahan at makasuhan din ang mga ito.

Kakausapin ani Remulla ang mga piskal at hikayatin na magdemanda sa mga ganitong uri ng testigo.

Sa ngayon prinoproseso na ng DOJ ang nasa mahigit pang isang libong biktima na na-rescue mula sa naturang operasyon.

Sa Biyernes ay magkakaron ng pormal na pagpupulong ang DOJ kasama ang PNP-ACG para plantsahin ang gusot sa nangyaring raid.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter