Condo unit na nauugnay sa PDEA leaks, kumpirmadong kay Maricel Soriano

Condo unit na nauugnay sa PDEA leaks, kumpirmadong kay Maricel Soriano

INAMIN ni Maricel Soriano na sa kaniya ang condo unit na nakasaad sa kontrobersiyal na dokumento na nag-uugnay kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bilang isang dating cocaine user.

Ganito ang eksena sa harap mismo ng Senado ngayong araw ng Martes.

Ang mga nagpro-protesta, kaniya-kaniyang bitbit ng placard.

Sigaw nila: mag-resign na si Pangulong Bongbong Marcos.

Ito rin ang parehong araw ng pag-iimbestiga ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs kaugnay sa  PDEA Leaks o ‘yung sinasabing paglabas ng mga confidential document na nag-uugnay kay Marcos Jr. sa ilegal na droga.

Pero kahit mainit ang kaganapan sa labas ng Senado ay tila malamig naman ang ulo ni Sen. Bato dela Rosa, chairman ng nasabing komite, kay Maricel Soriano na kasama umano ni Marcos Jr. na gumagamit ng umano ng cocaine batay sa dokumento ng PDEA.

Ipinatawag si Soriano sa pagdinig para ma-verify kung gaano ka-totoo ang kontrobersiyal na dokumento.

Sa kaniyang salaysay, bagamat itinanggi ng kilalang aktres na isa siyang cocaine user ay inamin naman niya na siya ang may-ari ng condo unit na nakasaad sa dokumento.

“May property ka ba sa Rockwell? Ikaw ba ang nagmamay-ari ng Unit 46-C Rizal Tower Building located at Rockwell, Brgy. Poblacion, Makati City? tanong ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, Chair, Committee on Public order and Dangerous Drugs.

 “Opo,” tugon ni Maricel Soriano, actress, alleged cocaine user.

“Sa’yo ‘yun” tanong uli ni Dela Rosa.

“Opo. Hanggang 2012 po. Nabenta ko na po ‘yun. Wala na ako dun,” ani Soriano.

Sa sumunod namang press briefing, sinabi ni Sen. Dela Rosa, na ang ginawang pag-amin ni Soriano patungkol sa pagmamay-ari nito ng kontrobersiyal na condo unit, ay nagpapatotoo sa PDEA Leaks.

“That adds credence to the claim of Morales, na siya talaga ang gumawa noon at tama ang ginawa niya dahil inamin naman ni Maricel. Si Maricel ang subject doon at si politician Bongbong Marcos. Dalawa sila subject doon. Tapos ang address, ‘yung unit is the same unit, at inaamin ni Maricel na sa kanya ang unit na ‘yun. That gives credence to the pre-ops na ginawa ni Morales,” pahayag ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, Chair, Committee on Public order and Dangerous Drugs.

Kaugnay nito ay humingi naman ng paumanhin ang senador kung bakit hindi na niya tinuloy-tuloy pa ang pag-usisa sa aktres na aniya ay nanginginig na.

“Forgive me kung tingin niyo ‘di ko masyadong nadidikdik si Maricel Soriano kasi ang hirap (inaudible), nanginginig siya pagdating. Baka mamaya ‘pag diniinan ko ang questioning at hinimatay sa hearing natin what will that make of me?” dagdag ni Dela Rosa.

Sa huli ay ipinunto ni Sen. Bato na hindi niya tutumbukin sa kaniyang pagdinig ang umano’y paggamit ng ilegal na droga ni Soriano at Marcos Jr.

Paliwanag niya na nakasentro ang imbestigasyon in aid of legislation sa kung papaano higpitan ang pangangalaga sa mga dokumento para maiwasan ang leakage ng mga sensitibo at confidential na impormasyon.

Ayon kay Sen. Bato magpapatuloy pa ang imbestigasyon dahil sa mayroon pa silang mga pinatatawag na mga resource person. Kabilang nga dito ang dating executive secretary ng PNOY administration na si Paquito Ochoa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble