PERSONAL na binisita ni Congressman Jolo Revilla ang mahigit 600 pamilya na nasunugan sa Brgy. 22, Cavite o mas kilala na Quadra.
Ito’y upang mamahagi ng tulong kasama ang iba pang opisyales ng lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Denver Chua.
Ang bawat pamilya ay nakatanggap ng tig-10-k mula kay Revilla at sa Agimat Party-list para sa panimula ng kanilang pagbangon mula sa sinapit na trahedya.
Sa kasalukuyan ang mga biktima ay nasa Ladislao Diwa Elementary School, na nagsilbi bilang evacuation center.
“At dito talagang nakita natin na talagang naapektuhan dahil sobrang light materials … magsimula na silang ulit magtayo ng kanilang tahanan,” ayon kay Cong. Jolo Revilla.
Tinatayang aabot lamang sa 15 araw ang itatagal ng mga evacuees sa eskuwelahan.
Kada araw ay nagpapadala ng hot meals ang opisina ng mambabatas para sa mga biktima.
Ang Department of Social Welfare and Development ay nag-abot din sa kanila ng tulong.
“Gagawin natin ang lahat para mapabilis ang pagbalik sa kanilang mga dating tinitirhan ang mga biktima ng sunog. Sisiguraduhin nating kaya nating ibibigay ang kanilang mga pangangailangan para hindi na sila tumagal sa evacuation center dahil napakahirap ang kalagayan na manirahan sa hindi mo bahay, kaya naman maagap nating inayos ang ating maitutulong para sa kanilang mabilis na recovery,” dagdag ni Cong. Jolo.
Dagdag ni Cong. Jolo, hindi pa dito matatapos ang pagtulong nila sa mga nasunugan.
Magpapatuloy ang mga paghahatid ng ayuda at mga programa hanggang sa makabalik ang mga biktima sa kanilang dating tirahan.