PORMAL nang ipinakilala ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. si Ralph Recto bilang bagong kalihim ng Department of Finance (DOF).
Ginawa ito ni Pangulong Marcos sa isinagawang press briefing sa Malacañang Grounds nitong hapon ng Biyernes, Enero 12, 2024.
Papalitan ni Recto si dating Secretary Benjamin Diokno sa naturang puwesto.
Ex-Finance Sec. Diokno, tinanggihan ang posisyon sa Maharlika Fund
Si Diokno ay ibabalik naman sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) bilang Monetary Board member.
Sinabi ni Pangulong Marcos na una niyang inalok kay Diokno na maging kabahagi sa pangangasiwa sa Maharlika Investment Fund (MIF) at maging liaison sa pagitan ng gobyerno at private sector.
Ngunit tinanggihan ito ni Diokno at sinabing hindi niya expertise ang pangangasiwa sa investment o sovereign fund.
Saad ng dating DOF chief, mas mainam aniya na bumalik ito sa kaniyang financial duties sa Monetary Board.
Sa kabilang banda’y pinasalamatan ni Pangulong Marcos si Diokno sa paglilingkod sa ilalim ng kaniyang administrasyon.
Kasabay nito’y binigyang-diin ng Chief Executive na naging matagumpay ang pamumuno ng dating kalihim sa Finance Department.
“As you may remember, he was the governor of BSP when I first came into office and he was due to retire in the middle of last year, but we…I think we all ganged up on him, and asked him to please continue as Department of Finance simply because we had to get the economy, we had to get our policies on to the right track and he has done a splendid as Secretary,” pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
PBBM, tiwala sa serbisyo publikong ihahatid ni bagong talagang Finance Sec. Ralph Recto
Kaugnay ng pagkatalaga kay Recto, ibinahagi ni Pangulong Marcos na nagkaroon ito ng kahanga-hangang karera sa serbisyo-publiko, na naging mahusay sa iba’t ibang tungkulin sa loob ng gobyerno.
Ani Pangulong Marcos, kumpiyansa siyang isusulong ng bagong Finance chief ang kadalian sa pagbabayad ng buwis, pati na rin ang mahusay at epektibong paggasta sa mga koleksiyong ito.
Tiwala ang Punong-Ehekutibo na maipatutupad ni Recto ang mga reporma para sa pagkontrol ng inflation gayundin ang pag-abot ng mga pangkaunlarang layunin ng administrasyon.
“He will continue to help devise strategies that will tame inflation through a bastion of responses ranging from plugging supply gaps to injecting non-monetary measures so that prices will be stable,” dagdag ni Pangulong Marcos.
Samantala, hiniling ni Pangulong Marcos kay Recto na pangunahan ang anti-smuggling drive at habulin ang tax evaders.
“I also have asked him to be at the forefront of our anti-smuggling drive, pursue tax cheats, starting with the habitual ones who have raised tax evasion not just to an art but into a business,” ayon pa sa Pangulo.
PBBM, kumpiyansa kay Secretary Frederick Go na palaguin ang mga industriya sa bansa
Bukod kay Recto, pormal ding ipinakilala ni Pangulong Marcos si Frederick Go bilang Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs.
Inihayag ng Pangulo ang kaniyang kumpiyansa kay Secretary Go na palaguin ang mga industriya sa bansa.
Ipinahayag ng Punong Ehekutibo ang kaniyang tiwala kay Go na mangunguna ito kapag ang administrasyon ay gumawa ng hakbang tungo sa pag-unlad ng ekonomiya.
“With his innovative vision, Secretary Go will help us create an environment that will not just draw in investments but realize them, ushering in an era of unprecedented growth across industries,” aniya.
Nitong Biyernes, nanumpa sa harap ni Pangulong Marcos sina Recto at Go sa Malacañang Palace.
Hinimok naman ng Punong Ehekutibo ang lahat na suportahan ang mga bagong Kalihim habang ginagampanan nila ang mga kritikal na tungkuling ito sa gobyerno.