Cong. Teves, naghain ng motion for reconsideration para sa protection visa sa Timor-Leste

Cong. Teves, naghain ng motion for reconsideration para sa protection visa sa Timor-Leste

INIHAYAG ni Department of Justice (DOJ) Secretary Boying Remulla na naghain ng motion for consideration si Cong. Arnie Teves sa Timor-Leste matapos hindi napagbigyan ang hinihiling nitong political asylum.

Muli na rin aniya silang sumulat sa Timor-Leste at patuloy na tinututulan ang aplikasyon ni Teves.

Samantala, sinabi naman ni Sec. Remulla na maaring ngayong araw ng Biyernes o sa Lunes ng susunod na linggo ay isasampa na ng National Bureau of Investigation (NBI) sa prosekusyon ang reklamong murder laban kay Teves matapos ang pagpatay kay Negros Oriental Roel Degamo.

Kaya naman, ayon kay Remulla, pampagulo lang ang lumitaw na witness sa Degamo slay kung saan idinawit niya ang isang Mayor Fritz alyas ‘Brownie’ sa kaniyang salaysay.

Sa isang forum, lumitaw ang nagpakilalang si Marlon Quibod at naglahad ng kaniyang nalalaman sa pagpatay kay Degamo.

Ayon kay Quibod, may warrant of arrest siya sa kasong attempted murder o homicide dahilan kaya siya nagtatago sa isang lugar sa Damutan, Hinoba-an Negros Occidental.

Dito aniya niya nakilala ang NPA at isa sa mga suspek na napatay hinggil sa Degamo murder na si Arnel Libradilla.

Base sa sinumpaang salaysay ni Quibod, inaya siya ni Libradilla na sumama sa isang operasyon na inoorganisa ng isang alyas ‘Brownie’.

Ang Mayor Fritz na tinutukoy niya ay posibleng ang pamangkin ni Roel Degamo na si Siaton Negros Oriental Mayor Fritz Diaz.

Para kay Remulla, ang paglutang ng nagpapakilalang witness ay pakana ng kampo ni Teves.

Distraksiyon aniya ito lalo pa at isasampa na ang mga kaso laban kay Teves.

“Malinaw na malinaw yung lahat ng statements na nag ja-jive. It’s a desperate attempt to muddle the situation. Kaya wag kayo mag pa operate, ino-operate kayo.”

“Talagang karga lang. Pinapatong lang. Sinusubo lang nila para mag-distract ng story. Parang ‘yun ang lumalabas.”

“Ngayon na fa-filean na sila ayaw naman nila. Sinasabi dati walang kasong fina-file, ngayon fa-file-an na, ayaw naman nila,” pahayag ni Sec. Jesus Crispin Remulla, Department of Justice.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter