Construction workers, dapat bigyan ng mandatory insurance coverage –Gatchalian

Construction workers, dapat bigyan ng mandatory insurance coverage –Gatchalian

NAIS ni Senador Win Gatchalian na mabigyan ang construction workers ng mandatory insurance coverage ng kanilang mga employer dahil sa panganib na kanilang hinaharap sa kanilang trabaho.

Inihain ni Gatchalian ang Senate Bill 821 o ang Construction Workers Insurance Act na nag-oobliga sa mga employer ng construction workers na magbigay ng mandatory group personal accident insurance coverage upang magarantiyahan ang mabilis at mahusay na paghahatid ng indemnity sakaling maaksidente ang mga manggagawa.

Saklaw dapat ng insurance coverage ang naaayong halaga para sa aksidenteng nagdulot ng kapansanan o kamatayan sa isang manggagawa.

“Ang insurance coverage para sa ating mga construction worker ay makakatulong sa mga employer na makapagbigay ng mas mahusay na mga paraan para matiyak ang kaligtasan at seguridad ng kanilang mga manggagawa, na siyang pangunahing layunin ng panukalang batas,” pahayag ni Sen. Gatchalian.

Ayon sa naturang panukala, ang coverage ng insurance ay magsisimula sa unang araw ng pagtatrabaho ng construction worker hanggang sa pagkumpleto ng construction project o sa pagtatapos ng kontrata ng trabaho.

Dagdag ni Gatchalian, ang mga premium na babayaran sa insurance company ay magmumula sa employer at hindi dapat ibawas sa sahod ng mga construction worker.

Insurance Coverage para sa mga construction workers:

Natural Death = P75,000

Accidental death = P100,000

Pagkamatay habang nasa trabaho = P150,000

Kung nawalan ng parehong kamay = P50,000

Kung nawalan ng dalawang paa = P50,000

Kung nawalan ng isang kamay at isang paningin = P50,000

Kung nawalan ng isang paa at isang paningin = P50,000

“Hindi maikakaila na sa maraming pagkakataon, ang trabaho ng mga construction worker ay mapanganib kung kaya’t kailangan nating alagaan ang kanilang kaligtasan at kalusugan,” ayon kay Gatchalian.

Sa ilalim pa rin ng panukala, ang mga manggagawa sa konstruksyon ay magkakaroon din ng karapatan na makatanggap ng patas at agarang mga benepisyong medikal sa mga pangyayaring may kaugnayan sa trabaho.

 

Follow SMNI News on Twitter