KASUNOD ng naitalang bahagyang pagtaas ng numero ng kaso ng COVID-19, ay tumaas din nang kaunti ang admissions ng COVID patients sa mga pribadong ospital ayon sa Private Hospitals Association of the Philippines (PHAPI).
Nagbigay ng update ang pribadong ospital asosasyon patungkol sa admissions sa mga nagpopositibo sa COVID-19.
Inihayag ng PHAPI na bahagyang tumaas ang bilang ng COVID-19 patients na na-admit sa mga pribadong ospital.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni PHAPI President Dr. Jose de Grano na ang admission sa karamihan sa pribadong ospital ay tumaas sa 20 – 50% nitong nakalipas na 2 – 3 araw.
Sinabi ni De Grano na karamihan sa mga kaso ay may label na ‘coincidental COVID’, ibig sabihin ang mga pasyente ay na-admit para sa iba’t ibang isyu sa kalusugan ngunit naging positibo para sa COVID-19 nang ma-screen.
“Dati less than 20% iyong mga hospitals natin, ngayon iyong iba although hindi naman lahat ‘no iyong iba tumataas more than 20%, iyong iba nga umaabot pa sa 50% but then depende kasi iyan sa number of allocated beds or siyempre kung 20 ang kama ninyo at may 10 na-admit – that’s 50% already,” ayon kay Dr. Jose de Grano, PHAPI President.
Nakikitang tumataas ang mga impeksiyon sa COVID-19 sa ilang lugar kabilang ang National Capital Region (NCR), Cavite, Laguna, Aklan at Davao Region.
Sa kabila ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 at ng admissions, tiniyak ni Dr. De Grano na ligtas pa ring magtungo sa pribadong ospital para sa kanilang pangangailangang pangkalusugan at medical consultations.
Saad ni De Grano, hiwalay ang COVID at non-COVID areas sa mga ospital.
Nire-require din sa mga pupunta sa ospital na magsuot ng face mask.
“So, iyan naman pong outpatient natin na nagpapakonsulta, wala po tayong problema right now at saka iyon pong mga COVID cases natin ay nakahiwalay po iyan sa ibang area ng hospital at hindi naman po talaga kayo pupunta doon so iyon pong ibang cases, iyong non-COVID areas ay open na open po iyan, hindi po sila dapat matakot,” dagdag ni Dr. De Grano.
Samantala sa kabuuan, nilinaw ni Dr. De Grano na nananatili pa ring mapamamahalaan ang mga ospital sa bansa sa gitna ng naitatalang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.
Inihayag pa ni Dr. De Grano na mild lang ang sintomas ng karamihan ng mga naa-admit na COVID-19 patients.
Ang nakararamdam ng mild symptoms ay hindi inirerekomenda ng mga doktor na magpa-admit sa ospital kundi ay mag-isolate na lang sa kanilang bahay.