COVID-19 case sa NCR, inaasahang bababa sa 1,900/araw pagsapit ng Mayo 14

COVID-19 case sa NCR, inaasahang bababa sa 1,900/araw pagsapit ng Mayo 14

POSIBLENG makapagtala na lamang ang National Capital Region (NCR) ng hindi hihigit sa 1,900 na mga bagong COVID-19 case kada araw sa pagsapit ng Mayo 14.

Ito ay batay sa pinakahuling ulat ng OCTA Research Team matapos bumaba sa 0.67 ang reproduction number sa NCR.

Pahayag ng grupo, ang average tally ng bagong COVID-19 case sa NCR ay naglalaro na lamang sa mahigit dalawang libo mula Mayo 2 hanggang 8.

Ito ay mula sa mas mataas na bilang na lagpas 3,000 noong nakaraang linggo.

Ang reproduction number ay tumutukoy sa transmission rate ng virus o ang bilang ng mga hawaan ng isang kumpirmadong tinamaan ng COVID-19.

Una rito, inihayag ng Department of Health (DOH) na ang pagbaba ng COVID cases nitong mga nakalipas na linggo ay bunsod ng kakaunting samples lamang na natatanggap ng mga accredited laboratories para sa testing.

Ibinahagi ni DOH Spokesperson Undersecretary Maria Rosario Vergeire na base sa kanilang datos noong Abril 23 hanggang 29, ang mga samples na na-test ay halos 374,000.

Habang aa kasunod na linggo, Abril 30 hanggang Mayo 6, bumaba ito sa 342,000.

Sinabi ni DOH spokesperson Undersecretary Maria Rosario Vergeire na oobserbahan ng ahensya kung ang pagbaba ng samples na isinusumite sa mga laboratoryo ay dahil ba sa tuluyan nang pagbaba ng kaso ng impeksyon o kung dahil hindi lamang sapat ang isinasagawang COVID-19 testing.

Isinailalim ang NCR Plus areas sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) mula Marso 29 hanggang Abril 11 matapos sumipa ang kaso ng COVID-19.

Inilagay naman ang Metro Manila at 4 na kalapit na lalawigan sa Modified ECQ mula Abril 12 hanggang sa Mayo 14.

(BASAHIN: Kaso ng COVID-19 sa NCR, bumaba – Octa Research)

SMNI NEWS