COVID-19 pandemic, South China Sea, natalakay ni Pangulong Duterte sa ASEAN Summit

COVID-19 pandemic, South China Sea, natalakay ni Pangulong Duterte sa ASEAN Summit

TINALAKAY ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagdalo nito sa nagpapatuloy na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit ang patungkol sa COVID-19 pandemic at isyu ng South China Sea.

Sinamahan si Pangulong Rodrigo Duterte ng ilang myembro ng kanyang gabinete sa malakanyang habang naglahad ito ng kanyang mensahe sa ginanap na ASEAN summit.

Nakibahagi si Pangulong Duterte sa virtual 38th at 39th association of ASEAN Summit at related Summits kung saan host ang Brunei Darussalam.

Batay sa nilabas na statement ng Office of the President (OP), binanggit ni Pangulong Duterte ang kahalagahan ng pagsugpo ng COVID-19 pandemic.

Sa 38th ASEAN summit, sinabi ng punong ehekutibo na maaaring mahirap at malayo-layo pa ang aniya’y ‘road to recovery’ ng ASEAN mula sa COVID-19 dahil sa patuloy pa ring hinaharap ng rehiyon ang impact ng pandemya.

Pahayag pa ng malakanyang, ipinunto ni Pangulong Duterte ang kahalagahan ng pagtiyak ng “phased and comprehensive” implementation ng ASEAN comprehensive recovery framework.

Ito aniya ay naglalaman ng mga inisyatiba at istratehiya na makatutulong sa rehiyon na makarekober mula sa krisis dulot ng COVID-19.

Nanawagan naman si Pangulong Duterte ng agarang pagtatatag ng ASEAN centre on public health emergencies and emerging diseases.

Magsisilbi aniya itong center hub ng ASEAN para mapalakas ang kakayahan na mapaghandaan, maiwasan, ma-detect at makapagresponde sa public health emergencies and emerging diseases.

Pinasalamatan naman ng Pangulo ang China sa pagsuporta sa pandemic response ng ASEAN partikular sa pagbuo at pagbahagi nito ng life-saving vaccines sa ibang mga bansa.

Samantala, bukod sa COVID-19 pandemic, ibinahagi rin ng Chief Executive ang importansya ng pag-settle ng isyu hinggil sa sigalot sa South China Sea (SCS).

Sa nasabing Summit, muling nanawagan si Pangulong Duterte sa kanyang kapwa ASEAN leaders na panatilihin ang pagkakaisa sa pagtaguyod ng kapayapaan, katatagan at kasaganaan sa South China Sea.

Alinsunod na rin ito sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at ng 2016 arbitral award.

Iginiit din ng punong ehekutibo na hindi dapat payagan ang sinumang mayroong hiwalay na interes na magdudulot ng kabiguan sa pagsusumikap ng rehiyon na makamit ang kapayapaan at pag-promote ng kasaganaan.

SMNI NEWS