COVID-19 vaccine, hindi pwedeng ipilit sa publiko –Gob. Chiz

COVID-19 vaccine, hindi pwedeng ipilit sa publiko –Gob. Chiz

HINDI dapat pinipilit ang publiko na magpabakuna ayon sa inihayag  ni Sorsogon Governor Chiz Escudero matapos ipinatupad ang “No Vaccine, No Ride” policy.

Sinabi ng gobernador na walang namang batas sa bansa na nagsasabi na mandatory na magpabakuna.

Ipinaliwanag ni Escudero na naka-emergency use authorization o naka-EUA pa rin hanggang ngayon sa Food and Drug Administration ang lahat ng COVID vaccine na mayroon sa Pilipinas kung kaya hindi ito puwedeng ipagsapilitan sa mga mamamayan.

“Naka-EUA pa ang mga bakunang ito at ibig sabihin lang, may mga clinical trials pa bago magawang mandatory ng gobyerno ang vaccination,” pahayag ni Escudero.

“Kapag nakapasa na ang mga bakuna sa lahat ng pagsusuri at pag-aaral na dinaanan ng mga ito, doon lang mangyayari na maging parte ito ng isang polisiyang pagkalusugan na maaaring ipatupad gamit ang police power ng gobyerno,” dagdag ng gobernador.

Dahil sa kawalan ng nasabing mandato, sinabi ng dating senador na tutukan na lamang muna ng pamahalaan ang paghimok sa mga di-bakunadong indibidwal at pati na ang pag-abot sa mga Pilipino na kasali sa target population subalit hindi pa rin nababakunahan hanggang ngayon.

“Let us talk to the them and convince the unvaccinated to get vaccinated instead of forcing them to do so. Ang maganda ay makumbinsihan tayo sa bisa at proteksyon na ibinibigay na bakuna, at huwag magpilitan o magtakutan,” ani Escudero.

Sa pinakahuling opisyal na numero, nasa 55.6 milyon sa mga mamamayan ang fully vaccinated habang mahigit limang milyon naman sa mga ito nakapagpa-booster na.

Matatandaan na marami ang umaaray sa “no vaccine no entry” policy na ipinatutupad hindi lamang sa pampublikong transportasyon kundi maging sa mga establisimyento.

Follow SMNI News on Twitter