MULI na namang nanaig ang tropa ng militar laban sa Communist Terrorist Group (CTG) matapos na masawi sa engkuwentro ang isang NPA lider sa Zamboanga del Sur na mayroong mahigit 30 warrant of arrest.
Pebrero 27 araw ng Martes habang nagsasagawa ng combat operation ang tropa ng 102nd Infantry Brigade, nakasagupa nila ang mga miyembro ng armadong grupo na Western Mindanao Regional Party Committee (WMRPC) sa Brgy. Malagalad, Dumingag, Zamboanga del Sur.
Ang naturang engkuwentro ay nagresulta sa pagkasawi ng isang notorious regional leader ng komunistang teroristang grupong CPP-NPA-NDF na nago-ooperate sa Zamboanga del Sur.
Kinilala ang nasabing NPA lider na si Aprecia Rosete, alyas Bambam na sekretarya ng nabanggit na grupo.
Base sa impormasyon si Bambam ang mastermind sa likod ng ilang krimen sa Zamboanga Peninsula kabilang dito ang ginagawang extortion sa mga investor, pagpatay sa mga inosenteng sibilyan at paninira ng mga ari-arian.
Umabot nga sa mahigit 30 warrant of arrest ang inihain laban kay Aprecia.
Narekober naman ng mga awtoridad mula sa labi ng NPA leader ang isang AK47 mga magazines, isang cal—45 pistol mga magazines at sari-saring gamit propaganda.
Kinumpirma rin ng militar na si Bambam na ang huling nasa listahan ng mga high-value targets at natitirang tumatayong lider ng WMRPC.
Ayon kay LtGen. William Gonzales, commander ng Western Mindanao Command na ang pagkaka-neutralize kay Bambam ay resulta ng pakikipagtulungan ng AFP, PNP kabilang ang law enforcement operations sa naturang lugar.
“I commend the troops of the 1st Infantry Division, led by Maj. Gen. Gabriel Viray III; the 102nd Infantry Brigade, led by Brig. Gen. Elmer Suderio; and the 53rd Infantry Battalion under Lt. Col. Terrence Ylanan for this significant accomplishment,” pahayag ni LtGen. William Gonzales, Commander, WestMinCom.
Kasabay nito muling nanindigan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na kanilang paiigtingin ang joint operations at hinikayat ang mga natitirang miyembro ng komunistang grupo na sumuko na lang imbes na lumaban sa mga awtoridad.
“We remain steadfast in our commitment to bolster our military and joint operations, urging remaining members to surrender peacefully rather than engage in armed conflict with our forces. However, should they persist in resistance, we will escalate our efforts to neutralize their threat and ensure they do not resurface,” ayon kay LtGen. William Gonzales, Commander, WestMinCom.