44 miyembro ng CTG, nagbalik-loob sa pamahalaan

44 miyembro ng CTG, nagbalik-loob sa pamahalaan

ISANG seremonya ang inihanda ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) bilang tanda ng kanilang mainit na pagtanggap sa mga kapwa Pilipino na dating naligaw ng landas na ngayon ay nagbalik-loob na sa pamahalaan.

Aabot sa 27 dating miyembro ng CTG Front Organization (CFO) at 17 active members ng communist terrorist group (CTG) ang nagpahayag ng kanilang pagkondena at pagbawi ng kanilang suporta sa teroristang grupong CPP-NPA-NDF.

Isinuko rin ng mga dating CTG member ang iba’t ibang pampasabog, mga matataas na kalibre ng baril, mga bala at magazine at mga gamit pang-komunikasyon.

Ginawa ang nasabing seremonya araw ng Miyerkules sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Taguig City na dinaluhan ng iba’t ibang opisyal at ahensiya ng pamahalaan at local government unit (LGU) gaya ng lokal na pamahalaan ng San Juan City, Department of Social Welfare and Development (DSWD), PAOCC, PNP at AFP.

Ang mga nabanggit na surrenderee ay makatatanggap ng food packs at grocery items mula sa DSWD at financial assistance mula sa NCRPO upang makapagsimulang muli.

Ayon kay NCRPO Regional Director, PMGen. Edgar Alan O. Okubo na upang makamit ng mga sumukong miyembro ng CTG ang kapayapaan at katahimikan ay bibigyan nila ng sapat na seguridad ang mga surrenderees

Para naman kay Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Usec. Gilberto DC Cruz na dapat respetuhin ang mga surrenderees at ipinaalala sa bawat isa na huwag maging ugat ng diskriminasyon ang pagsuko at pagbabalik-loob ng mga ito sa gobyerno.

Naniniwala naman si DSWD Usec Alan Tanjusay na dahil sa whole of the government approach ay naging matagumpay ang pamahalaan sa laban sa ensurhensiya.

Binigyang-diin din ni Usec. Tanjusay na ang kanilang mga programa ay hindi lang para sa mga mahihirap na Pilipino na nasa mga lungsod at munisipalidad kundi tinutulungan din nila maging ang mga nagbalik-loob sa pamahalaan.

Para naman kay San Juan Mayor Francisco Javier M. Zamora Chairman ng Regional Peace and Order Council (RPOC) na ang pagsuko ng mga dating CTG members ay malaking bagay at tulong sa pag-unlad ng bansa.

Samantala, kabilang naman si Ka Sam sa 44 na dating miyembro ng CTG na nagbalik-loob sa pamahalaan, at hinikayat nito ang kaniyang mga dating kasamahan na sumuko na dahil walang patutunguhan ang pag-aaklas laban sa gobyerno.

Samantala, 3 babaeng miyembro ng communist terrorist group ang sumuko sa militar sa Zamboanga Peninsula at Lanao (ZamPeLan) area nitong nakaraang weekend.

Ayon kay Joint Task Force Zampelan Commander, Maj. Gen. Antonio Nafarrete na ang isang babaeng CTG officer ay kinilala sa mga alyas na: Maui/Sol/Dylan/Lynda/Wang ay nagtungo sa 103rd Infantry Brigade sa Kampo Ranao, Marawi City Noing May 26.

Si Alias Maui, 34, taong gulang ay na-recruit bilang miyembro ng youth sector ng CTG noong 2007 at opisyal na sumama sa armadong grupo taong 2011 at naging secretary ng sub-regional committee 5 (SRC-5), North Central Mindanao Regional Committee (NCMRC).

Kinukonsidera itong isa sa mga high-value individuals sa lugar ng ZamPeLan.

Habang 2 pang dating rebelde ang sumuko sa tropa ng 10th Infantry Battalion sa ilalim ng 102nd Infantry Brigade sa Brgy. Litapan, Josefina, Zamboanga del Sur, noong May 28.

Ang dalawa ay kinilala sina alias Baby, 19, at alias Jean, 25, parehong miyembro ng Iskwad Dos, Platon Uno, Guerilla Front Sendong.

Ang dalawa ay parehong sugatan matapos ang nangyaring engkuwentro sa pagitan ng tropa ng gobyerno at armading grupo sa Barangay Siloy, Calamba, Misamis Occidental, noong March 31, 2023.

Ayon kay Lt. Gen. Roy Galido, commander ng Western Mindanao Command, na ang nasabing katagumpayan at pagsuko ng 3 CTG personalities ay dahil sa walang tigil na operasyon at mga programa ng 102nd at 103rd Infantry Brigades ng Philippine Army, Criminal Investigation and Detection Group Lanao del Sur (CIDG LDS), at ng police counterparts, at iba’t ibang intelligence units sa nasabing lugar.

Kasabay ang pangako na kanilang bibigyan ng kaukulang medikal na atensiyon ang mga sumukong terorista at aasikasuhin ang mga dokumento upang mapabilang ang mga ito sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).

“Rest assured that the wounded personalities will be given proper medical attention. Also, our personnel will immediately process the necessary documents for their inclusion in the Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP),” ayon kay Lt. Gen. Roy Galido, Commander, Western Mindanao Command.

Tunay nga na humihina na ang puwersa ng mga teroristang grupong CPP-NPA-NDF ito’y sa pamamagitan ng ginagawang pagkakaisa ng mga Pilipinong tunay na nagmamahal sa bayan.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter