CTGs, pilit nagpapalakas sa Southern Tagalog—PH Army

CTGs, pilit nagpapalakas sa Southern Tagalog—PH Army

EXTORTION at pananakot, ito ang nakikita ng Philippine Army na motibo kung bakit biglang nagkaroon ng presensiya ang komunistang teroristang grupo sa Balayan Batangas.

Ito ang inihayag ni LtCol. Louie Dema-ala tagapagsalita ng Philippine Army sa panayam ng SMNI News araw ng Lunes, Disyembre 18, 2023..

“Unang-una, extortion activities at dahil nga kokonti na lang sila, kinakailangan nila na maghasik ng terorismo para takutin ‘yung mga tao para talagang maka-recruit na naman kaya nandodoon sila sa extortion activity at pananakot para mas marami ang sumama o sumampa sa kanilang grupo,” saad ni LtCol. Louie Dema-ala, Spokesperson, Philippine Army.

Dagdag pa ng opisyal na pilit nagpapalakas ang rebeldeng grupo sa kabila ng paghina nito sa mga rehiyon ng CALABARZON at MIMAROPA.

“Actually, napakaliit na lang recently na declare na insurgency-free ‘yung area ng 2ID kaya ang myembro ng CPP-NPA talagang nagpupumilit na bumalik para muling sakupin, i-influence yung lugar,” dagdag ni Dema-ala.

Ang naturang pahayag ni Dema-ala ay matapos na makasagupa ng 59th Infantry Battalion, Philippine Navy at Philippine Air Force ang 14 na miyembro ng NPA sa Balayan Batangas alas dos ng madaling araw Disyembre 17.

Ang nakasagupa ng militar ay pinaniniwalaang sakop ng Sangay sa Partido sa Platoon (SPP) Kawing mula sa Southern Tagalog Regional Party Committee’s Sub-Regional Military Area 4C.

Sa nabanggit na engkuwentro, nasawi ang anim na miyembro ng teroristang grupo at nakuha rin sa pinangyarihan ng engkuwentro ang dalawang M16 rifle, isang M653 rifle, isang shotgun, at mga dokumento.

Sa panig ng gobyerno, nasawi ang isang sundalo habang nasugatan ang tatlong iba pa.

Dagdag pa dito, sinabi rin ni LtCol. Dema-ala na isinagawa ng 59th Infantry Battalion ang combat operation matapos na makatanggap ang mga ito ng impormasyon mula sa mga residente sa nasabing lugar na mayroong presensiya ng komunistang grupo sa lugar.

“Dahil ‘dun sa mga binigay na information ng ating mga kababayan na dun sa taga-Barangay Balayan sila mismo ang nagsabi sa atin na may presensiya yung mga armado doon sa lugar kaya natunton ng ating grupo,” ani Dema-ala.

Tulong sa pamilya ng nasawing sundalo sa engkuwentro sa Batangas, tiniyak ng DND

Samantala, kaugnay nito nagpaabot ng pakikiramay si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa pamilya ng nasawing sundalo.

“Lubos na nakikiramay kami sa pamilya ng ating nasawi na bayaning kawal, na hindi ko pa puwedeng banggitin ang pangalan sa ngayon, sa isang engkwentro ng ating mga kasundaluhan mula sa 59th Infantry “Protector” Battalion ng Philippine Army, kasama ang Philippine Navy at Philippine Air Force laban sa mga armadong miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Balayan, Batangas ngayong araw, December 17,” wika ni Sec. Gilberto Teodoro Jr., Department of National Defense.

Sa isang pahayag, sinabi ni Teodoro na makatatanggap ng kinakailangang tulong ang mga naulila ng sundalo.

“We are ensuring that our wounded soldiers will receive the best medical care, and provide all the necessary assistance to the family of our slain soldier during this difficult time,” saad pa ni Teodoro.

Nagpasalamat si Teodoro sa katapatan at kabayanihan ng mga sundalo upang ipagtanggol at pangalagaan ang bayan.

“Buong-puso tayong nagpapasalamat sa katapatan at kabayanihan ng ating mga sundalo upang ipagtanggol at pangalagaan ang bayan,” dagdag ni Teodoro.

Tiniyak ng kalihim na laging nakabantay ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at hindi titigil sa pagsugpo sa lahat ng teroristang grupo na nagdudulot ng kapahamakan sa bansa.

“Ang AFP ay palaging nakabantay at hindi titigil sa pagsugpo ng lahat ng teroristang grupo na nagdudulot ng kapahamakan sa ating bansa,” aniya.

Sa ngayon ay patuloy ang pakikipagtulungan ng Philippine Army sa mga barangay officials sa Barangay Balayan upang tulungan na makabalik sa normal ang mga residente sa nasabing lugar.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble