PUMALAG si Bureau of Customs (BOC) Commissioner Rey Guerrero sa pagkakasangkot sa kaniya sa diumano’y agriculture smuggling.
Ayon kay Guerrero na kinumpirma sa kaniya ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) na wala kahit isa mang opisyal sa BOC na nasa listahan ng mga dawit sa umanoy smuggling.
Kahit daw sa nangyaring Senate inquiry ukol dito aniya, wala naman daw binanggit si Senate President Tito Sotto na pangalan mula sa kanilang ahensiya.
“So that led us to ask bakit all of the sudden lumabas may Customs official. So, we’ve verified with NICA at sinasabi nila wala naman talaga sa original na list na prinesent nila kay Senator Sotto and besides ang sinasabi ng NICA up to now hindi pa validated list ‘yun. Sabi nga ni Senator Sotto tanungin ang NICA, eh di tanungin para malaman ba. So, I throw back the question to Senator Sotto and to whoever is claiming na merong validated list, oh sige,” ayon kay Guerrero.
Hamon ni Guerrero sa mga nagsasabi na validated ang listahan mula sa NICA na maglabas ng ebidensiya.
Aniya kung tunay na sila ay sangkot sa smuggling ay dapat kasuhan na sila.
Dagdag pa nito na dahil sa nangyari ay apektado maging ang kaniyang pamilya.
“Clearly, eh buong bansa nakalagay pa buong pangalan namin. Headline Customs chief involve in smuggling, di ba masisira ‘yung pamilya mo? Hindi ba madadamay ang pamilya mo? Oh ngayon papano natin aayusin ‘yun buti kung kinabukasan kung mapatunayan na wala kaming kasalanan headline din na wala kaming kasalanan,” ayon pa ni Guerrero.
Pagtitiyak naman ng commissioner sa publiko na ginagawa nila ang kanilang trabaho at ang mandato ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kaniya na ayusin ang BOC.
Bukod kay Guerrero ay pinangalanan din sa Senate report ang ilan pang opisyal ng gobyerno na umano’y protector ng agricultural smugglers mula sa Department of Agriculture, Bureau of Plant Industry at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.
Inilantad din ng Senado ang mga umano’y smuggler ng agricultural products na may operasyon sa mga puerto sa Manila International Container Port, Batangas, Subic, Cebu at Cagayan de Oro.
Kasunod ng paglitaw ng isyu sa agriculture smuggling, inihayag naman ni Presidential Spokesperson Martin Andanar na kaisa nila ang Senado sa paglaban sa korupsiyon sa pamahalaan.
“We are one with the Senate in fighting corruption in the bureaucracy,” ani Andanar.
Ayon pa kay Andanar na maghain ng reklamo laban sa mga sangkot sa umano’y Agriculture smuggling upang mabigyan ng pagkakataon ang mga ito na sumagot sa mga akusasyon.
“File the necessary charges before the Office of the Ombudsman so officials and persons mentioned in the Senate report could be afforded due process, face their accusers, and have their day in court,” ayon kay Andanar.