BUKAS si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr sa suhestiyong dapat nang ibalik sa dating 35% ang taripa sa imported rice na ngayo’y nasa 15%.
Ito ang pahayag ng kalihim matapos ang pagdinig ng Murang Pagkain Super Committee sa Mababang Kapulungan nitong Miyerkules ng Hunyo 11.
Sa katunayan, inirekomenda ni Laurel sa Tariff Commission na kung sakali mang ibalik sa 35% ang taripa sa importer rice ay dapat dahan-dahan lamang.
Sa oras aniya kasi na ipinatupad ang agarang 20% na pagtaas sa taripa ay maaapektuhan nito ang presyo ng bigas sa lokal at pandaigdigang merkado.
“Our suggestion is a gradual increase eventually returning to the 35 percent duty. A sudden increase could shock not only the local market but also ripple across the global rice trade,” pahayag ni Sec. Franciso Tiu Laurel, Jr., Department of Agriculture.
Mungkahi ng Agri Chief, i-timing ang pagtaas ng taripa sa panahon ng anihan ng mga exporter ng bigas.
Gaya ng Vietnam sa huling bahagi ng Setyembre, at Pakistan naman sa Disyembre.
Sa ngayon, umaabot sa P45/kg ang presyo ng local regular milled rice habang P52/kg naman sa well-milled.
Pumapalo naman sa P45/kg din ang imported regular milled rice habang P48/kg naman sa well-milled.