Daan-daang mangrove seedlings, itinanim ng SPM volunteers sa Noveleta, Cavite

Daan-daang mangrove seedlings, itinanim ng SPM volunteers sa Noveleta, Cavite

UPANG tugunan ang lumalalang climate change, nagkaisa ang daan-daang KOJC members at SPM volunteers sa pagtatanim ng mga bakawan sa Noveleta, Cavite.

Sino nga bang makakalimot sa ginawang paghagupit ng Super Bagyong Yolanda sa bansa noong Nobyembre taong 2013?

Ang pinsalang iniwan ng bagyo – umabot sa halos P100-B.

At ang mga buhay na nawala, hindi bababa sa 6-K.

Magpapasko pa naman noon, kaya imbes na liwanag at saya – lungkot at pighati ang nadama ng mga biktima ng unos.

Sabi ng mga eksperto, ang Super Bagyong Yolanda ay resulta umano ng climate change.

Ang pabago-bagong panahon o climate change ay kabilang na sa mga problemang hinaharap hindi lang ng Pilipinas kundi ng maraming bansa.

At para maibsan at ‘di na lumala pa ang epekto nito ay iba’t ibang paraan na rin ang ginagawa sa buong mundo.

Ngayong Biyernes nga daan-daang mangrove seedlings ang itinanim ng mga volunteer ng Sonshine Philippines Movement sa Brgy. San Rafael 4, Noveleta Cavite.

Ang nasabing aktibidad ay pinangunahan ng mga miyembro ng the Kingdom of Jesus Christ (KOJC).

Nakiisa rin ang iba’t ibang sektor kabilang na ang mga kabataan.

Ayon kay Silvano Cemanes, cluster Minister ng Kingdom of Jesus Christ sa South NCR at Cavite, ang pagmamahal at pangangalaga sa kalikasan ang isa sa mga itinuturo ni Pastor Apollo C. Quiboloy.

“Walang pagsidlan ng kagalakan natin sa pagtulong kasi ‘yan ang spiritu ng ating pinakamamahal na Pastor, ‘yung tumulong talaga sa kapwa at higit sa lahat sa kalikasan. “Yan ang tinutulad natin sa ating pinakamamahal na Pastor, ‘yung pagmamahal natin sa kalikasan. Kaya tumutulong tayo sa mga NGOs para sa pagtatanim. Voluntarily na masaya tayo na sumasama sa kanila,” saad ni Silvano Cemanes, Cluster Minister, South NCR, Cavite, KOJC.

Sinabi naman ni Maricar Flores, youth in charge ng Keepers Club International na ang kanilang inspirasyon sa pangangalaga sa kalikasan ay walang iba kundi sa Pastor Apollo.

“Si Pastor po talaga ang nagturo po sa amin, bilang kabataan po tinuro po sa amin ni Pastor kung paano mahalin ang kalikasan specially una sa lahat tinuro sa amin ni Pastor ang kalinisan nagsisimula talaga ang lahat, and then ang pagmamahal sa kalikasan na kahit anong mangyari kasi ito ang makakatulong sa atin pagdating ng panahon sa mga aksidente, sa mga kalamidad na alagaan talaga natin ‘yung kalikasan,” wika ni Maricar Flores, Youth In Charge, Keepers Club Int’l.

Malaki naman ang pasasalamat ng lokal na pamahalaan dahil sa hakbang na ito ng SPM at ni Pastor Apollo.

Ayon kay Leah Olidan-Balen, pangulo ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ng Noveleta Cavite, ang ginawang hakbang ng SPM at ng mga miyembro ng KOJC ay malaking tulong hindi lang sa kalikasan kundi maging sa kabuhayan ng mga residente sa naturang barangay.

“Malaki rin po ‘yung tulong niya dito sa Mangrove Farmers Association, nagkakaroon po sila ng livelihood, at the same time po napo-promote din po na may magandang lugar po dito sa bayan ng Noveleta,” ayon naman kay Leah Olidan – Balen, Head MENRO.

“Maraming salamat po sa Sonshine Philippines Movement kasi 2nd year na po napasyalan ang bayan ng Noveleta at sana mapakalat pa po natin na meron po kaming mangrove forest area dito sa bayan ng Noveleta at mai-share po natin ‘yung kailangan na mapangalagaan po natin itong area natin,”

“Alam niyo ba na malaki ang pakinabang ng mangrove o bakawan? dahil nagsisilbi itong proteksiyon laban sa storm surge, pagguho, at pagbaha ng baybayin,” ayon naman kay Leah Olidan–Balen, Head MENRO.

Hinimok naman ni Cleo Torres, barangay captain ng San Rafael Kwatro, ang ibang Pilipino na tularan ang SPM sa pagtatanim ng bakawan.

“Siempre po kagaya po ng flood, prevention po kasi.”

“Yun nga pong mga basura ay naho-hold nga po ng bakawan, nilinis.”

“Sa mga nakikinig po, ang message ko lang ay ‘yung mangrove talaga ay nakakatulong sa pag-prevent sa mga flood, sana po mahimok din po ‘yung iba na magtanim din po ng mangrove.”

“Salamat po sa Sonshine Philippines Movement sa pagtatanim po ng bakawan at napili nyo po itong lugar namin na pagtaniman po,” ani Cleo Torres, Brgy. San Rafael 4, Noveleta, Cavite.

Para naman kay Noveleta Councilor Ricky Saria, hiling nito sa SPM at sa KOJC members na sana huwag itong magsawa sa pagtulong sa kanilang lugar.

“In behalf of Mayor Dino po, kami po ay nagpapasalamat sa Sonshine Movement kasi po sa pangalawang pagkakataon, ito po ay napili nyo na magkaroon ng ganitong activities, kaya po maraming-maraming salamat po. Sana po ay patuloy po na dito nyo po gawin ang tree planting na to, salamat po sa inyo,” pahayag ni Ricky Saria, Councilor, Noveleta, Cavite.

Maliban sa nagbibigay ng proteksiyon sa mga baybayin ang mga mangrove o bakawan ay nagsisilbing tirahan at breeding ground ng iba’t ibang uri ng ibon, isda, at iba pang lamang dagat.

Taong 2005 nang magsimula ang SPM sa pangunguna ni Pastor Apollo.

Magmula noon ay taon-taon nang nagsasagawa ng clean-up drives at tree planting activities ang mga miyembro at volunteers ng SPM.

Dahil dito kinilala si Pastor Apollo C, Quiboloy sa Asia’s Humanitarian Hero Awards 2023 bilang Lifetime Achiever and Most Active Humanitarian Advocate of The Year.

Sa huli sinabi ng Kingdom members na kahit anong mangyari sila ay patuloy na susunod sa mga turo ni Pastor Apollo na nakaangkla sa mga salita ng Dios at tunay na pagmamahal sa bayan at sa ating Inang Kalikasan.

“Tuluy-tuloy lahat ng ano to, wala man si Pastor o nanjan man, tuluy-tuloy ang mga turo ni Pastor mananatili sa aming puso at isipan” ayon kay Silvano Cemanes, Cluster Minister, South NCR, Cavite, KOJC.

“Opo tuluy-tuloy pa rin po, kahit wala po si Pastor, nasa puso naman po namin si Pastor na talagang naitatak na po sa amin na kung anuman ‘yung kabutihan na tinuro sa amin ni Pastor mula sa mga kabataan na talagang imbes na mapariwara ang buhay or ilaan po sa bisyo dito po sa environment pinapatulong ni Pastor para po mapalago ang kalikasan ang pagmamahal sa kalikasan,” wika ni Maricar Flores, Youth In Charge, Keepers Club Int’l.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter