DUMAGSA ang daan-daang overseas Filipino workers (OFWs) sa konsulado ng Pilipinas sa Dubai noong Linggo sa pagsisimula ng overseas voting.
Alas 6:00 pa lamang ng umaga ay marami nang botante ang pumila sa konsulado para makaboto.
Pagdating naman ng alas 9:00 ng umaga umabot na sa ilang kilometro ang haba ng pila kaya nagbantay na ang Dubai Police para masiguro na sumusunod sa patakaran ang mga bumobotong Pilipino.
Sa overseas absentee voting sa UAE, tinatayang aabot sa 308,779 na OFWs ang maaaring makaboto.
Ang overseas voting process ay bukas araw-araw hanggang Mayo 8 mula alas 8:00 ng umaga hanggang alas 9:00 ng gabi.
Sa huling araw ng pagboto sa Mayo 9, ang pagboto ay isasara ng alas 3:00 ng hapon.
Ang mga nakarehistrong botante sa UAE ay maaaring bumoto sa Dubai PCG o kaya naman ay sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) at sa Embahada ng Pilipinas sa Abu Dhabi.