ITINALAGANG bagong chairman ng Commission on Elections (COMELEC) si dating Commissioner Atty. George Garcia.
Nabigo man na makalusot ang appointment ni Atty. George Garcia bilang komisyuner ng COMELEC noong nakaraang Kongreso ay nabigyan ulit ito ng posisyon sa komisyon.
Ito ay matapos siyang italaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang chairman ng COMELEC.
Sa isang statement, sinabi ni Press Sec. Atty. Trixie Cruz-Angeles na isinumite na ng Pangulo ang nominasyon ni Garcia sa Commission on Appointments (CA).
“The president has appointed Mr. George Erwin Garcia as Chairman of the Commission on Elections. He has submitted Mr. Garcia’s name to the Commission on Appointments as required by law,” pahayag ni Cruz-Angeles.
Matatandaan na appointee ni dating Pangulong Duterte si Garcia bilang COMELEC Commissioner pero binaypass ng CA ang appointment nito sa mga huling araw ng sesyon ng Kongreso.
Hirit ni Senate President Migz Zubiri noon na maibigay kay Pangulong Marcos ang pagkakataon na makapamili ng mga bagong opisyal sa ilalim ng kaniyang administrasyon bilang courtesy.
Sa huling araw ng sesyon ng Kongreso ay wala pa sa walong CA member ang sumipot ng CA hearing kaya nabypass ang appointment ni Garcia at ng iba pang appointee ni dating Pangulong Duterte.
Sinabi naman naman noon ni Garcia, na kung magkakaroon siya ulit ng pagkakataon na makapaglingkod ulit ay sampung beses niyang pipiliin ang COMELEC.
“Kung pagbibigyan ako ng pagkakataon maglingkod muli, 10 beses kong pipiliin ang COMELEC,” ani Garcia.
Sa ngayon ay wala pang bagong pahayag si Garcia.