Pagkakabasura ng panukalang tax exemption sa honoraria ng mga guro, okay lang sa COMELEC

Pagkakabasura ng panukalang tax exemption sa honoraria ng mga guro, okay lang sa COMELEC

SA kabila ng pag-veto ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa panukalang tax exemptions sa mga guro na nagsilbing poll worker ay tiwala ang Commission on Elections (COMELEC) na hindi magpapatinag ang mga guro sa hangarin nila na magsisilbi tuwing halalan.

Nirerespeto ng COMELEC ang desisyon ng Malacañang matapos ibasura ang panukalang batas na magbibigay ng tax exemptions sa mga guro na nagsilbing poll workers noong nakaraang halalan.

Isa ito sa mga panukalang batas na ivineto ng Pangulo kamakailan.

Sa ilalim sana ng panukala ay hindi makakaltasan ng buwis ang natanggap na honoraria ng mga guro noong eleksyon.

Pero dagdag ng Komisyon, hindi rito nagtatapos ang kanilang adhikain na maibigay ang tax exemptions sa mga guro.

Dahil hindi nga naging batas ang panukala, tuloy ang 5 percent tax deduction sa honoraria ng mga poll worker.

Matatandaan na noong nakaraang halalan ay P7,000 ang honoraria na ipinagkaloob sa mga Electoral Board Chairman, 6,000 naman sa mga EB member, 5,000 sa mga DepEd Supervisor Official at 3,000 sa mga support staff.

Meron din silang travel allowance na nagkakahalaga ng P2,000.

Sa kabila nito naniniwala naman ang COMELEC na hindi sila magkakaproblema sa mga guro sa darating na SK at barangay elections.

Ayon kay Atty. Rex Laudiangco, acting spokesperson ng COMELEC, may tax exemptions man o wala, magpapatuloy ang mga guro sa kanilang gampanin sa eleksyon gaya ng ipinakita ng mga ito noong nakaraang halalan.

Pero sakali naman aniya na may mga guro na  hindi na lalahok sa halalan, hindi aniya ito magdudulot ng problema sa COMELEC.

Samantala, hindi rin nakikita ng COMELEC na maapektuhan ang barangay at SK elections sa buwan ng Disyembre matapos masunog ang bahagi ng kanilang tanggapan kagabi.

Ayon kay Laudiangco, desktop computers at ilang kagamitan ng empleyado ang naaapektuhan ng magkaroon ng sunog sa reception area ng IT Dept. kagabi.

Safe aniya ang mga impormasyon at datos na kinalalagyan ng election results noong nakaraang halalan at maging ang para sa voter registration.

Sinabi naman ng COMELEC na walang mga empleyado ang namatay o nasugatan mula sa insidente.

 

Follow SMNI News on Twitter