PATULOY na nadadagdagan ang naghahayag ng suporta para kay Pastor Apollo C. Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
At sa nagpapatuloy nga na Laban Kasama ang Bayan Prayer Rally sa Liwasang Bonifacio, ay nakiisa rin si Dating Negros Oriental Congressman Jing Paras bilang pagsuporta sa butihing Pastor.
Sa isang video message sa Facebook, inihayag ng dating mambabatas ang kaniyang pananaw sa imbestigasyon ng Senado sa butihing Pastor.
Aniya walang katuturan ang imbestigasyon ni Risa Hontiveros kay Pastor Apollo.
“”Eh wala namang ‘yun aid of legislation. ‘Yung so far na pinag-uusapan sa moro-moro na ginagawa ni Honti-virus jan sa kaniyang mga na-conduct na hearing ay puro akusasyon which are already based on existing laws under the Revised penal code at saka special laws,” pahayag ni Atty. Jing Paras, Former Congressman, Negros Oriental.
Ipinunto ni Paras na hindi na kailangan ang isang imbestigasyon in aid of legislation dahil ang mga tinatalakay sa pagdinig ni Hontiveros ay mas karapat-dapat dinggin sa isang korte.
“Wala namang in aid of legislation ‘yan kasi itong mga krimen na sinasabi o mga offenses ay pwedeng diretso na sa city fiscal or provincial fiscal. So walang katuturan ang hearing na yan,” ayon pa kay Paras.
Pinuna rin ni Paras ang aniya’y one-man committee hearing na ginagawa ni Hontiveros sa Senado.
“’Yung ginagawa ng Senado na one-man committee ay labag po sa Senate rules, labag po sa ating Saligang Batas, kasi pwede bang magkaroon ng committee na isa lang ang miyembro na gumagalaw at sinasaklolohan lang ng kaniyang kasama na si Pimentel,” diin nito.
Maliban kay Paras, kabilang sa mga naghayag ng suporta kay Pastor Apollo ang ilang senador na sina Sen. Bato dela Rosa, Bong Go, Robin Padilla, Francis Tolentino, Imee Marcos, at Cynthia Villar.