INIMBITAHAN ng Zamboanga Valientes ang kontrobersyal na manlalarong si John Amores upang lumagda ng kontrata para sa kanilang kampanya sa ASEAN Basketball League (ABL) invitational sa susunod na taon.
Kinumpirma mismo ito ng Team General Manager na si Niño Rejhi Natividad.
Kamakailan lamang nang opisyal na tanggalin si Amores mula sa basketball program ng Jose Rizal University (JRU) at suspendehin sa kanyang mga klase dahil sa pambubugbog nito laban sa mga manlalaro ng College of St. Benilde sa kalagitnaan ng NCAA game nito noong Nobyembre 8.
Bukod dito ay suspendido rin ito ngayon sa NCAA.
Ayon kay Natividad, naniniwala sila sa Zamboanga Valientes sa pagbibigay ng pangalawang pagkakataon at isang mabuting manlalaro ani si Amores na nakagawa ng pagkakamali na kanya namang pinagsisihan.
Sa ngayon ay nahaharap si Amores sa reklamong physical injury mula sa Blazers at sasailalim din sa community service.
Matatandaan na hindi lamang ito ang unang beses na nambugbog si Amores matapos din itong pagsusuntukin ang manlalaro ng University of the Philippines sa kalagitnaan ng pre-season match nito ngayong taon.