Dating kapitan ng Pasay na itinuturong mastermind sa pamamaril sa photojournalist sa QC, nananatiling at large—QCPD

Dating kapitan ng Pasay na itinuturong mastermind sa pamamaril sa photojournalist sa QC, nananatiling at large—QCPD

NANANATILI pa ring at large ang isang dating kapitan ng Pasay City na si “Kap. Nanad” na sinasabing mastermind sa pamamaril kay Josh Abiad, isang photojournalist ng Remate.

Ito ang kinumpirma ni Quezon City Police District (QCPD) Director PBGen. Nick Torre, kasunod ng ginawang interogasyon sa isang naarestong suspek na si Eduardo Almario Legazpi II alyas Bingbong na isa sa mga shooter sa nangyaring shooting incident sa Quezon City noong Hunyo 29, 2023.

Itinuro si ‘Kap. Nanad’ na nagplano sa krimen at binayaran ang mga tao nito sa halagang P1-K kung saan nasa P15-K ang napunta kay Legazpi bilang spotter.

Bukod sa dating kapitan, pinaghahanap din ngayon ang ilan pang suspek na sinasabing may alam sa krimen na sina:

Charry aka ‘Greg’, middle man; Juanito Padilla aka ‘Juan’, middleman; Jomari dela Cruz aka ‘Mata, Alexis’, player at tumayong driver ng pink na motorsiklo; Marlon Velencio, player at gunman; Rhoel Chauela Landrito alyas Oca, tumayong driver naman ng toyota vios; at Jayson Landrito aka ‘Sboy’ na pinsan ni Oca na tumayo namang back seat passenger.

Sa ngayon, kasunod ng pagkakaaresto sa isa sa pito pang suspek, hawak na rin ng QCPD ang mga larawan ng mga ito para sa mabilis na pagtugis.

Sa muling pagharap sa media araw ng Huwebes, personal na ipinakita ni PBGen. Torre ang isang jacket na sinasabing suot-suot ng isa sa mga gunmen.

Ayon sa opisyal, gagamitin nila ang jacket bilang ebidensiya pagkatapos na isailalim ito sa DNA test na mag-uugnay sa may-ari.

Kaso ng pamamaril sa isang photojournalist sa Quezon City, case solved na pero hindi pa case close—QCPD

Samantala, bagaman hindi pa nahuhuli ang lahat ng mga suspek sa krimen, itinuring na ng QCPD ang kaso bilang case solved pero hindi pa case closed.

Naniniwala ang PNP hindi pa nakalalabas ng Luzon ang ibang suspek at malabo rin aniya na makalabas ng Pilipinas dahil na rin sa mahigpit na koordinasyon nila sa mga iba pang law enforcement units sa bansa.

Sa panig ni Abiad, sinabi ng PNP na wala itong natatandaang coverage o pinirmahang mga dokumento mula sa isang police operations na may kaugnayan sa dating kapitan at ganoon na lamang aniya ang galit nito sa media personnel.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter