KINIKILALA sa buong mundo ang Estados Unidos bilang isa sa mga bansang may pinakamabilis, maayos at sistematikong emergency response system lalo na sa urban areas.
Sa nasabing bansa isang tawag mo lang sa kanilang hotline ilang minuto lang ay darating na ang tulong gaya ng pulis, bombero at ambulansiya dahil integrated ang paraan nila sa pagresponde sa mga taong nangangailangan ng tulong.
Kaya para mapanatili ang magandang reputasyon sa larangan ng emergency response, dumadaan sa matinding pagsasanay ang kanilang mga personahe, gumagamit sila ng mga high tech na kagamitan at nilalaanan ng malaking pondo ng gobyerno.
Dito sa Pilipinas, ipinagmayabang ng bagong talagang hepe ng Philippine National Police (PNP) na darating ang responde sa loob ng limang minuto.
Pero walang paliwanag kung saan kukunin ang pondo, ano ang magiging sistema, at kung anong klase ng pagsasanay ang isinagawa o ipatutupad para sa mga tauhan ng nasabing ambisyon.
Para kay dating kalihim ng Department of National Defense (DND) na si Norberto Gonzales, hindi na bago ang ganitong pangako mula sa PNP, dahil marami na ang nagbigay ng parehong pahayag—ngunit hindi ito natutupad.
“Ilang beses nang sinubok ‘yan tignan natin kailangan dapat meron tayong magandang relo para orasan natin ang five minutes kung totoo nga o hindi, hindi naman bago ‘yan eh paulit-ulit ‘yan kung may bagong PNP chief kung may bagong reorganization ang PNP ipinapangako ‘yan hindi lang 5-minutes pero titignan natin,” ayon kay Norberto Gonzales, Former Defense Chief.
Torre, tatalima sa lahat ng utos ng nakatataas—dating DND chief
Samantala, sinabi ni Gonzales na hintayin na lang ng mga Pilipino kung paano magpapakita ng galing ang bagong PNP chief.
“Well tignan natin kasi bawat presidente naman naghahanap naman talaga sila ng mauutusan na susunod,” ani Gonzales.
Dahil dito, sinabi ng dating opisyal na kahit mali ang utos, susundin pa rin aniya ito ng bagong PNP chief.
“Ang tingin ko sa bagong PNP chief susundin niya ang lahat ng utos ng nakakataas sa kanya right or wrong wala tayong magagawa diyan,” aniya.
Kamakailan, sinabi ni DILG Sec. Jonvic Remulla na maihahalintulad si Gen. Torre sa isang aso.
Matatandaan na ang bagong talagang PNP Chief ang siyang namuno sa marahas at ilegal na pagpasok sa mga religious compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).