KAHIT naka-wheelchair ay personal na sinipot ni dating Education Secretary Leonor Briones ang pagdinig ng Senado kaugnay sa umano’y maanomalyang pagbili ng mga overpriced laptop.
Nanindigan si Briones na hindi niya pinagtataguan ang issue ng DepEd na alegasyon sa pagbili ng overpriced laptop.
Ayon kay Briones, abala lamang siya ngayon bilang director ng Southeast Asian Ministers of Education Organization Regional Center for Educational Innovation and Technology (Seameo Innotech), kung saan sakop nila ang pitong bansa sa Southeast Asia at siya pa ang naitalagang director dito.
Ito aniya ang dahilan kung bakit hindi siya agad lumutang sa publiko ngunit nagpasalamat ang dating kalihim sa imbitasyon ng Blue Ribbon Committee para makuha ang kanyang panig.
“So maraming salamat for this opportunity to come out and say I am not hiding under somebody’s bed. I am as visible as I can be. I am very involved in international debates as well sa concerns for developments in the Philippines,” pahayag ni Briones.
Ipinunto naman ni Briones na walang illegal sa pagpasa nila ng pagbili ng proyekto o laptop sa PS-DBM dahil matagal na itong ipinatutupad panahon pa ng dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr.
Aniya, hindi lamang sa PS-DBM nila minsan naipasa ang mga proyekto ng DepEd kapag kailangan na itong ipatupad at kapag gahol na sa oras at paghahanda.
Inihalimbawa ni Briones ang pagpatatayo ng mga school buildings na proyekto ng DepEd ngunit ipinapasa sa DPWH ang konstruksyon.
“We do have a BAC. We have six BACs but we need a huge BAC for this huge allocation, and we calculated that we are already preparing for face-to-face classes; we may not have the time and the capacity to look into the details of the offers various suppliers. What we did was legal because it was provided for and it was done in a matter of course for big-time common item purchases for the past how many decades,” ayon kay Briones.
Matatandaan na ang pagbili ng umano’y overpriced at outdated na mga laptops ay una nang pinuna ng Commission on Audit (COA)
Ayon sa COA report, 68,500 ang target beneficiary para sa nasabing programa ngunit dahil sa sobrang mahal ay 39,583 na lamang ang nabilhan.
Kanina sa pagdinig ng Blue Ribbon ay maraming naungkat na mga pagkakamali at nakitang posibleng sabwatan sa overpriced na presyo ng mga laptop.
Ayon kay Senador Francis Tolentino, inaasahan na ang pagdinig ay matatapos sa buwan ng Setyembre.