INIHAYAG ni Mayor Sara Duterte na hindi dapat nagbibigay ng advice si Vice President Leni Robredo kung wala naman itong sapat na kaalaman sa nangyayari sa lugar partikular na sa Davao City.
Ayon kay Mayor Sara sa kanyang termino nakagawian na ng bise presidente na magkomento sa mga bagay at sitwasyon na wala itong sapat na kaalaman at hindi nito nauunawaan at hindi naman nakakatulong o nakakaresolba sa problema.
Aniya, malaking tulong ang naiambag ng pribadong sektor sa COVID-19 response ng Davao City.
Maliban pa rito hindi rin umano dapat inaatake ni Robredo ang medical community ng lungsod at paratangang inactive ang mga ito.
Ayon sa alkalde na tahimik na ginagampanan ng mga ito ang kanilang responsibilidad at walang pagod na nagliligtas ng mga buhay simula pa noong Marso ng nakaraang taon.
Dagdag pa ni Mayor Sara na sa kanyang naging pahayag na kailangang mamulat ang kamalayan ni Robredo sa pagtaas ng kaso sa mga lugar sa buong mundo.
Ang pagtaas ng kaso kung saan 85% ay asymptomatic ay natutukoy sa pamamagitan ng agresibong testing, kasama na ang tracing at isolation o quarantine.
Nag-ugat ang pahayag ni Mayor Sara matapos ang komento ni VP Robredo nitong Linggo na dapat tularan ng pamahalaang lungsod ng Davao ang pagkontrol ng Cebu City sa pagtaas ng bilang ng kaso o COVID 19-infections sa pamamagitan ng private partnerships at aktibong presensya ng medical community.
Sinabi rin ni Mayor Sara Duterte na kailangang iwasan ng bise presidenteng idawit ang pagtaas ng bilang ng kaso sa Davao City sa kanyang planong pamumulitika, aniya may tamang panahon sa pag-atake sa kanya sakaling magpasya si Robredo na tumakbo sa pagkapangulo.
(BASAHIN: Davao City Mayor Sara Duterte, nanguna sa presidential at vice presidential survey ng OCTA Research)