INANUNSYO ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) ang paghahanda ng gobyerno ng subsidiya upang makatulong na mabawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng petrolyo sa sektor ng transportasyon at agrikultura.
Samantala, naghahanda na ang transport sector kung saan maglalabas ito ng P2.5B para sa fuel subsidy program.
Layon nitong mabigyan ng fuel voucher ang mga kwalipikadong PUV drivers gaya ng jeepney, UV express, taxi, tricycle, at iba pa.
“This aims to provide fuel vouchers to over 377,000 qualified PUV drivers who are operating jeepneys, UV express, taxis, tricycles, and other full-time ride-hailing and delivery services nationwide,” ayon sa DBCC.
Maliban sa Department of Transportation (DOTr), ang Department of Agriculture (DA) ay naglaan din ng P500M bilang fuel subsidies sa mga mangingisda at magsasaka.
Ito ay bilang tugon ng ahensya sa mga kababayan na mabawasan ang epekto ng mataas na presyo ng gasolina sa mga produksyon at transportasyon ng mga produktong sakahan at pangisdaan.
Bukod dito, ang pamahalaan ay nagsusumikap para sa isang holistic value chain approach upang matiyak ang sapat at abot-kayang supply ng pagkain sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis.
“In particular, the DA supports legislation such as Senate Bill No. 139 or the Philippine Livestock Development Industry Act and Senate Bill No. 2176 or the Affordable Pork Act to help ease possible domestic supply constraints and prevent second-round effects on prices,” saad ng DBCC.
Sinisiguro umano nila na walang harang sa supply ng mga produkto at serbisyo sa kabila ng pagtaas ng presyo ng langis sa gitna ng pandemya, kung saan malaking tulong anila ito upang patuloy na lumago ang ekonomiya ngayong 2022 at sa mga susunod pang taon.