INILABAS na ng Department of Budget and Management (DBM) ang P3-B badyet para sa implementasyon ng fuel subsidy at discount programs.
Mula sa naturang halaga, P2.5 bilyon ang nakalaan para sa implementasyon ng fuel subsidy program ng Department of Transportation (DOTr).
Nasa P500 milyon naman ang para sa fuel discount program ng Department of Agriculture (DA).
Ang ni-release na budget ng DBM ay magsisilbing tulong sa mga sektor na naapektuhan ng matinding impact ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Kinuha ang naturang pondo mula sa regular budget ng DOTr at DA sa ilalim ng Fiscal Year 2022 General Appropriations Act.
Samantala, kinumpirma na rin ni Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) Executive Director Maria Kristina Cassion na natanggap na ng DOTr ang P2.5 bilyon mula sa DBM.
Magsisimula ang distribusyon ng subsidiya ng public utility vehicle drivers sa susunod na linggo.
Sa ilalim ng fuel subsidy program ng DOTr, ipagkakaloob ang cash aid na nagkakahalaga ng P6,500 sa mga drayber ng pampublikong sasakyan sa buong bansa.
Saklaw dito ang jeepney at bus drivers maging ang mga kwalipikadong tsuper ng shuttle services, UV express, mini buses, taxis, tricycles, at iba pang pampublikong sasakyan gaya ng Transport Network Vehicle Service (TNVS), motorcycle taxis, at delivery services.
Maaaring i-claim ng mga natukoy na higit 377,000 (377,443) beneficiaries ang nasabing subsidiya sa pamamagitan ng cash cards mula sa LandBank of the Philippines.
Nagkaroon na rin ng koordinasyon ang LTFRB sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at sa Department of Information and Communications Technology (DICT) para sa pagtukoy ng mga kwalipikadong benepisyaryo.