MAHIGPIT na nagpaalala ang Department of Budget and Management (DBM) sa publiko na maging maingat at mapanuri sa kanilang mga transaksiyon sa ahensiya, lalo na online.
Sa isang pahayag, pinayuhan ng DBM ang lahat na makipagtransaksiyon lamang sa authorized personnel ng departamento sa pamamagitan ng official channels nito.
Ang babala ay matapos mapag-alaman na patuloy pa rin ang gawain ng ilang indibidwal o grupo na nagpapanggap na opisyal o awtorisadong representative ng DBM.
Ang mga ito ay nanghihingi ng pera kapalit umano ng mabilis na pagpapalabas ng pondo para sa iba’t ibang programa o proyekto.
Binanggit ng DBM ang kagaya halimbawa ng isang nagngangalan umanong Engr. Carlo Clacio.
Kaugnay rito, kinondena ng DBM, sa pamumuno ni Secretary Amenah Pangandaman, ang ganitong mga panloloko.
Saad ng DBM chief, hindi hihingi o tatanggap ng pera kailanman ang mga opisyal na kinatawan ng DBM para mapabilis ang pag-release ng pondo.
Dagdag ni Pangandaman, hindi nila pahihintulutan o hahayaan ang anumang klase ng panlilinlang at panghihingi sa kahit anumang paraan, anyo, pagkakataon o gawain dahil ito ay labag sa batas.
Inihayag naman ng DBM na nakikipagtulungan ang Kagawaran sa mga awtoridad upang agarang maimbestigahan at matukoy ang mga taong sangkot sa ganitong modus.
Hinikayat naman ng DBM ang publiko na isumbong ang ganitong ilegal na gawain sa (02) 865-7-3300.