KAPANSIN-pansin na kahit tapos na ang Pasko, ay dagsa pa rin ng biyahero ang isang bus station sa Pasay City na may biyaheng Samar, Leyte, Tacloban, at Bicol.
Gayundin ang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX).
As of 9am kaninang umaga, araw ng Martes, mayroon nang mahigit 30,000 na pasahero sa terminal.
140,000 na bilang ng pasahero ngayong araw, inaasahan na ng PITX
Ayon sa management, inaasahan nila na papalo sa 140,000 ang bilang ng pasahero ngayong araw katulad kahapon, araw ng Lunes, Disyembre 25.
Marami sa mga biyahero, humabol ng biyahe dahil biglang naisipan na sa probinsiya na lang magdiwang ng Bagong Taon.
Ilang walk-in passenger sa PITX nahirapan bago makakuha ng ticket
Marami sa ating nakausap ay walk in passengers. Ibig sabihin doon na lamang sa terminal bumili ng ticket at hindi na nakapagpa-advance booking.
Ilan sa kanila nayamot sa tagal ng oras na kanilang hinintay bago nabigyan ng ticket.
Tulad ni Mang Artemio, na hindi inaasahan na marami pa ring pasahero sa terminal kahit tapos na ang Pasko.
Ang ibang pasahero naman relax lang sa pagbiyahe dahil nakapagpa-advance booking.
Tulad ng pamilya ni Joy na bibyahe sa Bicol para doon magba-Bagong Taon.
Ayon sa management, noong Disyembre 23 ay naitala nila ang pinakamalaking bilang ng pasahero simula nang buksan ang terminal sa mga biyahero noong 2018 kung saan pumalo sa 204,000 ang kanilang pasahero.
Ito ay mas mataas sa 191,000 na naitala nila noong nakaraang taon sa magkatulad na panahon.